286 total views
Pinasalamatan ni Atty Aaron Pedrosa, Energy Working group Head ng Philippine Movement for Climate Justice ang aktibong pagsuporta ng Simbahang Katolika sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Pedrosa, isang magandang halimbawa ang pagdalo ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo, sa paglulunsad ng Green Thumb sa lalawigan ng Palawan.
Dagdag pa ni Pedrosa, nararapat lamang paigtingin ang pagprotekta sa Palawan dahil ito ang tinaguriang “The Last Frontier”.
“Natutuwa po tayo na nandun si Bishop at hindi lang nag lead ng Prayer, kundi tulad ng approach ng Green Thumb, ay yung integrity of creation dimension ay consistent with the pronouncements of the Holy Father yung Laudato Si, at ginamit yung pagkakataon upang ipaliwanag na to be Christian is to be environmentally active, and to be Christian means to be more than yung pagdadasal at yung discernment, kailangan din bolden kahit sa personal level sa usapin ng kalikasan, yan yung message na, na-put across ng butihing Bishop ng Palawan,” pahayag ni Pedrosa sa Radio Veritas.
Sa pagsisiyasat ng PMCJ, plano ng kumpanyang DMConsuji Holdings Incorporated na magtayo ng 15 megawatt coal fired Power Plant sa Nara Palawan, na mariin namang tinutulan ng mga residente.
Sa pag-aaral ng Philippine Movement for Climate Justice, sa kasalukuyan ay mayroong 17 pasilidad ng Coal Fired Power Plants sa Pilipinas kung saan 11 dito ay nasa Luzon, Lima ang nasa Visayas at isa ang matatagpuan sa Mindanao. Sa ulat ng Center for Global Development ang Pilipinas ay pang 32 sa limampung mga bansang may pinaka mataas na carbon emission.
Naiulat na umabot sa 35,900,000 ang carbon o maruming hangin na ibinubuga ng mga planta sa Pilipinas kada taon.
Sa Encyclical na sinulat ng Santo Papa, hinimok ni Pope Francis ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga Fossil Fuels.