10,152 total views
Naniniwala ang CHARIS Philippines na mahalagang maunawaan ng mamamayan ang diwa at pagkilos ng Espiritu Santo sa buhay ng bawat indibidwal upang mapaigting ang pakikiisa sa misyon ni Hesus sa pamayanan.
Ayon kay CHARIS Philippines National Coordinator Fef Barino, ito ang layunin ng isasagawang kauna-unahang CHARIS Convention sa October 4 hanggang 6 sa IEC Convention Center sa Cebu City.
Paliwanag nitong dapat na malawak ang pagkaunawa sa kilos ng Banal na Espirito na maging gabay sa pang-araw-araw na misyon sa iba’t ibang komunidad.
“This will be a good time for us to renew, to refresh and to empower ourselves through baptism ng Holy Spirit and make it alive in our everyday life so that wherever we go, we become a missionary in our families, in the community especially in parishes,” pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Iginiit ni Barino na nakatutulong ang charismatic groups sa mga parokya upang mapaigting ang nananamlay na pananampalataya ng mamamayan sa aktibong pakikibahagi ng mga gawaing pang espiritwal.
Tampok sa tatlong araw na CHARISCon ang panayam nina Fr. Herbert Schneider, S.J; Bro. Marcelino Catan; Dr. Jake Yap; Bro. Arun Gogna; Fr. Vladimir Echalas; Bro. Roy Calleja; Bro. Bobby Quitain, at; Fr. Bartolome Pastor na inaasahang magbibigay panayam din sa mga paring itinalagang spiritual director ng charismatic communities’ ng mga diyosesis.
Makibahagi rin sa pagtitipon sina Cebu Archbishop Jose Palma, Digos Bishop Guillermo Afable at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr.
Ayon kay Barino inaasahan ang 3, 000 delegado sa naturang pagtitipon kaya’t patuloy na inaanyayahan ang mamamayan na magpatala sa pamamagitan ng pagbisita sa CHARIS Philippines official Facebook page o makipag-ugnayan kay Johnlito Sollera sa 0931-023-2328 o kay Yolly Rapana sa 0928-626-5178 para sa karagdagang detalye.
Pinalawig hanggang sa katapusan ng buwan ang registration period upang mabigyang pagkakataon ang iba pang mananampalataya na nais dumalo sa pagtitipon kung saan mayroon itong registration fee na P2, 500 para sa convention kit at tanghalian ng mga delegado sa loob ng tatlong araw