2,948 total views
Umaasa ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na maging aktibo ang mga kabataan sa pakikibahagi sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PPCRV Chairman Evelyn Singson, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa nakatakdang halalang pambarangay lalo na sa paghahalal ng karapat-dapat na mga opisyal na mamumuno at mangangasiwa ng kaayusan at kapakanan ng pamayanan.
“Ang hope ko talaga dahil Kabataang Barangay ito, lahat ng mga bata ay maging active na magregister at bumoto dahil ang boto nila ang magde-determine kung anong klaseng pamamahala yung binoto na ibibigay sa kanila, kaya bumuto sila ng tama para yung serbisyo ng barangay captain sa kanila ay talagang magreredown to their benefit.” Ang bahagi ng pahayag ni PPCRV Chairman Evelyn Singson sa Radio Veritas.
Tiwala naman si Singson sa patuloy na suporta at aktibong partisipasyon ng mga volunteer ng PPCRV sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa upang mabantayan ang kabuuang proseso ng nakatakdang halalang pambarangay.
Paliwanag ng Singson, higit pa sa anumang halaga ay mas makabuluhan ang pagbabantay ng katapatan at kaayusan ng halalan para sa kinabukasan ng bayan.
“Lahat naman tayo dapat maging active, ito yung kinabukasan natin although sa PPCRV nagpapasalamat ako, talagang very dedicated, very altruistic lahat tayo, nagsisilbi wala naman tayong mapapala pero alam natin ang mapapala natin hindi financial pero makakabuti sa kabuhayan natin.” Dagdag pa ni Singson.
Ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang kauna-unahang halalan na pangangasiwaan ni Singson mula ng maitalaga bilang bagong chairman ng PPCRV noong Agosto ng nakalipas ng taong 2022.
Batay sa Calendar of Activities ng Commission on Elections (COMELEC) magsisimula ang election period para sa halalang pambarangay sa August 28, 2023 kung saan maari ng maghain ng Certificate of Candidacy ang sinumang nagnanais tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, 2023