532 total views
Ang aktibo at matalinong pakikibahagi ng mga kabataan sa nakatakdang May 2019 Midterm Elections ay isa sa inaasahang maisulong ng Simbahan Katolika kasabay ng paggunita ng Year of the Youth.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth Executive Secretary Rev. Fr. Conegundo Garganta, bahagi ng layunin sa paggunita ng Taon ng mga Kabataan ay ang mahimok ang bawat isa na makibahagi sa mga usaping panlipunan tulad na lamang sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ng Pari, bahagi ng naturang layunin ng Simbahan ay mabigyan ng sapat na kakayahan at kaalaman ang mga kabataan sa pagpili at pagsusuri sa mga kandidatong karapat-dapat ihalal bilang mga opisyal ng bayan.
Ipinaliwanag ni Father Garganta na ang paghubog sa mga kabataan bilang misyunero na katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ang pangunahing layunin ng paggunita ng Year of the Youth.
“Isang malaking trust din sa mga kabataan is to be able to engage sa election for 2019 in terms of receiving formation how to cast their votes and then the criteria for selecting a candidate that they will vote for, so ito yung mga we look forward that our young people will be engage to na dadalhin nila yan until 2021 since the trust is for us to be able to form our young people to become missionaries…” pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang umapela ng panalangin at suporta ang CBCP – Episcopal Commission on Youth para sa pagganap ng mga kabataang Filipino sa kanilang tungkulin na ipamalas ang kakayahan upang makatulong sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan at pag-unlad ng lipunan.
Sa tala ng Commission on Elections (COMELEC), 20-milyon mula sa 60 milyong rehistradong botante ay mga kabataan na nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.
Nasasaad naman sa Comelec Resolution No. 10418 na 18,081 ang mga posisyon na pupunuan ng nakatakdang May 2019 Midterm Elections kabilang na ang 12 senador, 59 na party-list representatives kasama na ang mga posisyon ng mga lider sa lokal na pamahalaan.