172 total views
Habang lumalayo sa kamalayan ng maraming Filipino ang diwa ng EDSA, nanlalambot din ang ating paglaban para sa tunay na kalayaan ng bawat Filipino.
Kapanalig, marami sa ating mga kababayan ngayon, pinaliliit ang diwa ng EDSA sa laban lamang ng dalawang pamilyang Filipino. Ang ideya na ito ay hindi lamang mali, binabalewala rin nito ang tapang at malasakit ng milyong Filipinong lumabas hindi lamang upang matigil na ang rehimen ng isang diktador, kundi upang maibalik na ang kapangyarihan sa kamay sa mga Filipino.
Nagiging masalimuot ang usapin pagdating sa EDSA People’s Power dahil pilit na pinapasok ang sandamak-mak ng usapin habang pinaliliit ang esensya na ito sa away pulitika lamang. Para sa ating panahon ngayon, kung saan marami na ang hindi tunay na naka-saksi sa pangyayaring ito, pumukaw sana sa ating puso at isipan ang mga larawan ng People’s Power noon – hindi ito ukol sa laban ng pamilya lamang – Filipino ang nagtungo sa kalye noon upang matapos na ang rehimen ng korupsyon at karahasan. Lumaban ang mga Filipino hindi para sa isang pamilya o partida, lumaban sila upang magkaraoon tayo ng tunay na katarungan at kalayaan.
Ang alaala ng EDSA ay dapat mas maging inspirasyon ngayon dahil ang mga “values” na nilaban ng ating mga ninuno ay siya ring pinagbabantaan ngayon ng iba ibang pwersa. Ang korupsyon ay kalat na naman ngayon, at mas garapal dahil kahit pa pandemya, harap-harapang nangungulimbat mga tiwali. Base sa Corruption Index ng Transparency International, pababa ng pababa ang ating ranking – mula 2012, stagnant na ang laban natin sa corruption. Mula sa ranking na 98 sa 185 countries noong 2018, nasa 115 na tayong ngayong 2020.
Ang karahasan din ay mas maigting sa ating bayan ngayon – matapos ang libo-libong kamatayan ng drug war. Ayon mismo sa RealNumbersph, ang pinag-isang report ng gobyerno ukol sa drug-free campaign nito, 5,810 na na ang napatay sa mga anti-drug operations. Marami pang bilang ng kamatayan ang hindi pa rin nareresolba hanggang ngayon. Nitong February 19 lamang, may isang taga- Marikina ang natagpuang patay – nakatali ang mga kamay at paa, at nakasako sa Bulacan.
Kapanalig, ang karahasan at korupsyon ay patuloy pa ring nagpapahirap sa ating bayan. Tinatali tayo ng mga ito sa isang lipunan bulag, nabubulok at naghihirap. Kailangan nating laging maalala na hindi lamang tao o pamilya o partida ang ating pinaglalaban. Ang kapanakanan ng bawat Filipino, ang karapatan nating mamuhay ng mapayapa, marangal at maunlad ay esensya ng EDSA People Power Revolution. Huwag natin sayangin ang diwa nito. Ayon nga sa Gaudium et Spes, “Lahat tayo ay dapat paglingkuran ang dignidad at kinabukasan ng mamamayan. Kailangan nating pagsumikapin na tanggalin ang anumang umaalipin sa ating lipunan upang mapangalagaan ang pangunahing karapatan ng lahat ng tao.
Sumainyo ang Katotohanan.