265 total views
Siya ang ikasampung Apostol ng Panginoon ayon sa hanay ng pagkakahirang, tinaguriang Simon na Makabayan, kabilang sa pakikibaka laban sa mga mananakop na Romano noon; isang Cananeo mula sa bayan ng Cana kung saan naganap unang himala ng Kristo nang gawin niyang alak ang tubig sa piging ng mga bagong kasal.
Kay gandang paglimilimihan paglalarawan sa kanyang katauhan, mayaman sa kahulugan dapat nating tularan upang masundan lubusan ang Panginoon bilang kanyang mga alagad sa makabagong panahon tulungan mga tao na makaahon at makatugon sa maraming paghamon.
Kung tutuusin magkatulad ang dalawang taguring na sa kanya ay ginamit: Makabayan at Cananeo na sa wikang Hebreo nagpapahayag ng alab at rubdob na kapwa mga katangian ng Diyos nating mahabagin na tanging hiling Siya lamang ang sambahin at susundin.
Kilalanin man siya sa kanyang mga taguring Makabayan o taga-Cana, Galilea, itong ating patron si San Simon naging masigasig, puno ng alab at rubdob sa paglilingkod hanggang kamatayan kasama si San Judas Tadeo sa Persia, nagpapaalala sa ating isabuhay tuwina pananampalataya kay Kristo!