606 total views
Panlimang Araw ng Simbang Gabi, Martes ng Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, 20 Disyembre 2022, Luke 1:26-38
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa PAGSUNOD. Sa Ingles, OBEDIENCE. “Masunurin” ang katumbas sa Tagalog ng Ingles na “obedient”. Galing sa ugat na salitang SUNOD, na siyang ibig sabihin ng maging alagad—sa Ingles, a FOLLOWER o DISCIPLE. Ang kuwento ng ating ebanghelyo ay tungkol sa simula ng pagiging alagad ni Maria.
Alam ko, ang karaniwang larawan natin ng pagsunod ay ang pagiging alipin. Ano nga ba naman ang magagawa ng isang alipin kapag inutusan siya ng kanyang amo? E di sumunod, sa ayaw niya’t sa gusto, kung ayaw niyang maparusahan. Sunud-sunurin ang tawag sa ganyan.
Noong unang panahon, noong ligal pa ang pang-aalipin, malalaman mo daw kung pasaway ang alipin sa dami ng latay niya sa likod. Ibig sabihin, marami-raming hagupit ang pinagdaanan niya bago siya napasunod.
Hindi makatao ang ganyan. At magpasalamat tayo sa Diyos na sa buong mundo itinuturing nang iligal ang mang-alipin ng kapwa.
Pero teka, hindi ba’t “alipin” (Gr. doule) ang itinawag ni Maria sa kanyang sarili noong sumagot siya sa misyon na ipinagagawa ng Diyos sa kanya at nagpasyang sumunod? Puwede bang humindi si Maria? OO. Puwede ba siyang hindi sumunod? Oo. Pinilit ba siya ng Diyos? HINDI. Hindi ALIPIN ang tawag sa ganyan kundi ALAGAD.
Hindi kailanman paraan ng Diyos ang pamimilit. Hindi ikinatutuwa ng Diyos ang sumunod nga pero labag naman sa kalooban. Kaya nga ang pinakadakilang kautusan para sa Lumang Tipan ay “Makinig ka, Israel. Ibigin mo ang Panginoong iyong Diyos nang buo mong puso, buo mong isip, at buo mong kaluluwa.” Hindi sinabing “Sumunod ka sa Panginoong iyong Diyos sa ayaw mo’t sa gusto.” Narito ang mga sangkap ng tunay na PAGSUNOD. Una, makinig. Pangalawa, tumugon nang may pag-ibig.
UNA, MAKINIG. Sa Ingles, iba pa ang “hearing” sa “listening”. Puwede kasing naririnig mo pero hindi ka nakikinig. Alam mong nakikinig ang tao kapag nakatuon siya sa kausap niya at inuunawa ang sinasabi nito. Di ba sa iskul madalas sabihin ng titser kapag merong test, “Please read the instructions carefully.” Ang ibig sabihin, hindi lang basahin lang o pakinggan, kundi unawain. Maraming bumabagsak sa test hindi naman dahil hindi nila alam ang sagot kundi dahil hindi inunawang mabuti ang mga instructions.
Hindi ba’t hindi naman basta lang lumundag sa dilim si Maria? Sa totoo lang, sa tingin ko nga maingat siya. Pagbati pa lang inuunawa na niya. Sabi ni San Lukas, “Nabagabag si Maria at inunawa niya sa loob niya ang kahulugan ng pagbati ng anghel.” Tandaan natin, nagsimula ang panunukso ng ahas kina Adan at Eba sa isang pagbati. Ang mga swindler o scammer o manggagantso, mahilig iyan sa “small talk”. Kung bagito ka, idadaan ka sa pambobola. Hindi tunay ang pagsunod kung hindi ka nakinig nang may pag-unawa.
IKALAWA, IBIGIN. Ibig sabihin hindi ka pinipilit; inaalok ka lang. Nililigawan, hindi inililigáw. Mag-iingat sa mga nanlilígaw na manliligáw sa iyo, katulad ni Satanas. Hindi ka ililigáw ng Diyos; dadalhin ka sa tamang daan. Hindi lang niya ipahahayag at ipauunawa sa iyo ang kalooban niya. Niyayaya ka ring ibigin mo, o gustuhin mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagtalima. Kusang-loob. Sabi ni Papa Benedicto, ito raw ang simula ng pananampalataya: ang pagtugon sa Diyos na nag-aanyaya… ang tugon na pag-ibig sa Diyos na unang umibig sa atin.
Kailan natin natatawag na pag-ibig ang pagsunod? Kapag ito’y buong puso. Hindi kalahating puso, hindi hati ang kalooban. Hindi pilit o labag sa kalooban. Walang pag-aatubili, walang-pag-iimbot at buong katapatan, wika ng panunumpa sa watawat.
Ang kuwento ni San Lukas ay matatawag nating kuwento ng bokasyon. Kahit alam nating ang bokasyon ay tungkol sa tawag ng Panginoon o paanyaya sa isang misyon, ang pinaka-importante ay ang ating kusang-loob na pagtugon.
Madalas gamitin ang salitang PAGSUKO bilang larawan ng pagsunod. “Surrender to God’s will!” O “Pagsuko sa Kalooban ng Diyos.” Hindi kaya mas maganda ang “Embracing God’s Will” kaysa “Surrendering to God’s Will?” Ang alam ko kasi, iyung sumusuko ay iyung natalo ng kalaban. Hindi naman kalaban ang Diyos, kaya bakit ka “susuko”? Mas mabuting ilarawan ang pagsunod bilang PAGYAKAP sa kalooban ng Diyos bilang ating sariling kalooban.
May suggestion ako. Sa susunod na magdasal ng orasyon, palitan ang ALIPIN ng ALAGAD, upang makuha natin ang tunay na kahulugan ng pagsunod. “Alagad ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa sinabi mo.”