235 total views
Hinimok ni Department of Agriculture Undersecretary for Operations Ariel Cayanan ang mamamayan na ikonsulta sa mga provincial veterinaries ang kanilang mga alaga partikular na ang mga manok, itik, at iba pang uri ng ibon.
Paliwanag ni Cayanan, ito ay upang ma-monitor ang kalagayan at ang dahilan ng pagkamatay ng mga hayop na may sakit sa loob ng bawat lalawigan at matukoy kung bird flu ang nakakaapekto dito.
“Meron po tayong tinatawag na provincial veterinary office, so yun po through the report sabi natin sa mga nagmamanok natin, nag po-poultry, pag may nakita po kayong hindi regular o[hindi] normal na pagkamatay ng manok, kabilang na po yung mortality na sumobra, ireport na po agad, at pag may nag report po, immediately po ay nagpapapunta tayo agad [ng tauhan],” pahayag ni Cayanan sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan naman ito sa media na mag-ingat sa pagpapalabas ng impormasyon upang hindi makalikha ng takot sa isipan ng mamamayan.
Iginiit ni Cayanan na kontrolado ng DA ang sitwasyon at walang dapat na ikabahala ang taumbayan sa sakit na bird flu.
“Naging polisiya na po namin na kapag pagbibigay ng impormasyong opisyal, isa lang po at yan po ay nanggagaling sa expert, at ang kalihim po ang nagbibigay ng balita para po opisyal po palagi. Kasi nagkakaroon ng fear at nagkakaroon ng impact sa ekonomiya natin,” dagdag pa ni Cayanan.
Nitong nakaraang martes tinanggal na ng ahensya ang ban sa pagta-transport ng mga manok na magmumula sa labas ng 7-kilometer Radius quarantine zone ng Pampanga at Nueva Ecija.
Gayunman, kinakailangang tiyakin din na mayroong transport permit at quarantine veterinary clearance ang mga ibabyaheng poultry stocks.
Sa Panlipunang katuruan ng Simbahan, pabor ito na kumita ang isang mamumuhunan, gayunman, kinakailangang tiyakin na ang mga negosyon nito ay walang masamang epekto sa buhay at kalusugan ng mamamayan.