192 total views
Hinamon ni Caritas Manila Restorative Justice Ministry Coordinator, Sr. Zeny Cabrera, ang mga kabataan na abutin ang kapwa nila kabataang naligaw ng landas.
Naniniwala si Sr. Cabrera na mas magiging epektibo ang paggabay sa mga kabataan kung ang kapwa nila ang magpapakita ng mabuting halimbawa na maaaring tularan.
Dagdag pa nito, makabubuti rin kung minsan na nagmumula sa ka-edad ng mga kabataan ang nagbibigay ng payo at paggabay partikular na sa mga kabataang nasa detention centers.
“Ang mga youth natin sa iba’t-ibang parokya, iba’t-ibang komunidad, we can encourage them na marami silang magagawa para makapagbigay sila ng magandang impluwensya para sa mga kabataan, lalo na yung mga kabataan na naliligaw ng landas.” pahayag ni Sr. Cabrera sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan din ang madre sa mga mananampalataya na maging mapagbigay at bukas ang pagtanggap sa mga taong nagkasala.
Sinabi nito na sa kabila ng pagkakasala ay pinagsusumikapan ng mga bilanggo na magbago at makabalik sa tuwid na pamumuhay.
Dahil dito, mahalagang tulungan sila ng komunidad na nasa labas ng kulungan.
Hinikayat ng madre ang mga mananampalataya na magbahagi ng anumang bagay maliit man o malaki sa mga bilanggo at maging sa pamilya ng mga ito.
Ayon sa Madre, maaaring makipagtuungan sa Restorative Justice Ministry ng mga simbahan upang magpaabot ng tulong o munting regalo sa mga bilanggo at sa mga pamilya nito ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.
“Sana alalahanin natin sila magbahagi tayo ng anumang maibabahagi lalong-lalo na sa mga bata na syempre katulad ng ibang bata gusto nilang meron silang pinagsasaluhan, meron silang tinatanggap so isama natin sila sa ating budget maliit o malaki man.” Dagdag pa ng Madre.
Sa katuruan ng Simbahan, sinasabing ang mga bilangguan ay pansamantalang yugto lamang para sa buhay ng mga taong nagkasala sa lipunan dahil nararapat itong maging daan upang muling manumbalik ang kabutihan ng puso at moral na pamumuhay ng mga taong naligaw ng landas.
Sa huling tala ng Bureau of Corrections ngayong Oktubre 2018 umabot na sa 44,531 ang bilang ng mga bilanggo sa buong bansa.
Tinatayang 131 porsyento ang lumabas na congestion rate sa kabuuan ng mga bilangguan sa Pilipinas.