508 total views
Ito ang pagninilay ni Father Erik Adoviso, ang Archdiocese of Manila Socio-Political Advocacy Minister at Parish Pastoral Council for Responsible Voting Coordinator sa ginanap na Misa sa PPCRV Command Center sa University of Santo Tomas ngayong araw.
Ayon kay Fr. Adoviso, mahalagang alalahanin ng bawat isa ang mga taong nagsilbing instrumento upang lubusan pang makilala at mapalalim ang pananampalataya sa Panginoon.
“Kapag nakikita mo itong mga taong ito, lalong lumalalim ‘yung ating pananamapalataya kay Kristo sapagkat itong mga taong ito ang nagdala sa atin kay Kristo. Hindi na natin titingnan si Kristo sa imahe niya, sa kanyang salita, kundi nakita natin si Kristo sa mga tao na nanindigan para sa pag-ibig sa kapwa lalo na sa mahihirap,” pagninilay ni Fr. Adoviso.
Paalala din ni Fr. Adoviso sa bawat mananampalataya na anumang mga pagsubok ang dumating sa buahy manatili lamang na nakatuon at manalig sa Panginoong Hesukristo.
“Anuman ang mangayari sa ating bayan, tandaan n’yo po, pumokus kay Kristo. Pumokus sa kanyang pinahahalagahan. Pag-ibig, paglilingkod na walang hinihintay na kapalit, katotohanan, at paglilingkod sa ating kapwa,” ayon kay Fr. Adoviso.
Patuloy pa ring isinasagawa ng PPCRV ang vote canvassing sa mga 4th copy ng election returns dito sa UST.
Ang PPCRV ang isa sa mga accredited citizen arm ng Commission on Elections para sa pagkakaroon ng payapa, tapat at makahulugang 2022 National and Local Elections.