2,769 total views
Ito ang layunin ng isasagawang Mass for Martial Law Victims at the EDSA Shrine bilang paggunita sa ika-51 anibersaryo ng Martial Law declaration ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Pangungunahan nina Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Yñiguez at Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang banal na misa sa Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine sa ika-21, ng Setyembre, 2023 ganap na alas-dose kinse ng tanghali.
Bahagi ng paanyaya ng pamunuan ng EDSA Shrine ang sama-samang pananalangin upang hindi na muling maulit pa ang itinuturing na madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar.
“NEVER AGAIN! We remember in our prayers the victims of Martial Law. We also pray that this darkest period in our history may never be repeated! Join us in the celebration of the Holy Eucharist to be presided by retired bishops Most. Rev. Deogracias Yñiguez and Most Rev. Antonio Tobias. Together we pray, NEVER AGAIN!” Ang bahagi ng paanyaya ng pamunuan ng EDSA Shrine.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., September 23, 1972 ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar sa ilalim ng administrasyon Marcos ngunit September 21, 1972 ang opisyal na petsang nakatala sa Proclamation 1081.
Batay sa kasaysayan at sa tala ng Amnesty International, samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino kabilang na ang aabot sa 3,240 pinaslang at higit sa 75,000 indibidwal mula sa buong bansa na lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.
Nagwakas ang rehimeng Marcos at Martial Law na tumagal ng 14 na taon sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 nang magtungo sa EDSA ang mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay sa pangunguna ng mga Pari, Madre at ilang indibidwal alinsunod na rin sa naging panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa himpilan ng Radyo Veritas.