344 total views
Mga Kapanalig, kayo ba ay minimum wage earner? O may kapamilya ba kayong ang iniuuwing sahod ay nasa ₱610 sa isang araw? Nagkakasya ba sa inyong pang-araw-araw na gastusin ang sahod na ito?
Kung si Secretary Alfredo Pascual ng Department of Trade and Industry (o DTI) ang tatanungin, “pwedeng pagkasyahin” ang sahod na ito para suportahan ang mga pangangailangan ng isang pamilyang ay limang miyembro.1 Matatandaang noong isang buwan, tumaas ng kuwarenta pesos ang minimum wage sa Metro Manila sa harap ng nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin katulad ng bigas, karne, at gulay. Ginamit ni Kabataan Party List representative Raoul Manuel ang pagdinig ng House Committee on Appropriations ukol sa badyet ng DTI para sa 2024 upang hamunin si Secretary Pascual na subukang pagkasyahin sa loob ng isang buwan ang suweldong natatanggap ng mga minimum wage earners.2
Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng Agosto na may nasambit ang kalihim ng DTI na tila ba malayo sa realidad na nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ng mahihirap. Minsan na niyang pinayuhan ang mga Pilipinong mag-adjust ng kanilang diyeta at maghanap na lang ng alternatibo sa kanin. Dahil mahal ang bigas sa mga pamilihan, maaaring subukan daw ang pagkain ng kamote o puting mais na mura na, mas masustansya pa.3 Hindi naman mali si Secretary Pascual ngunit makatutulong siguro kung ang ganitong mga mungkahi ay hindi magmumula sa mga opisyal nating dapat nagtitiyak na may sapat na pagkain para sa lahat. Hindi kasama sa trabaho ng mga nasa gobyerno ang ilipat sa mga mamamayan ang paghahanap ng solusyon sa mga problemang hindi naman sila ang pangunahing sanhi o labas sa kanilang kontrol.
May bigat ang mga salitang nagmumula sa bibig ng mga nasa pamahalaan, kaya mahalagang alam nila kung ang mga salitang sasambitin nila ay maaaring makapagpalakas o makasira ng loob ng mga tao. Paalala nga sa Mga Kawikaan 21:23, “Ang pumipigil sa kanyang dila ay umiiwas sa masama.” Kaya dapat nag-iisip nang mabuti ang ating mga lingkod-bayan bago sila magsalita.
Alam din sana nila ang tunay na nangyayari sa ibaba ng tore kung saan sila maginhawang nag-oopisina o sa labas ng kanilang malalaking bahay kung saan sagana ang kanilang pagkain at mahimbing ang kanilang pagtulog. Sigurado naman tayong malawak ang kaalaman at karunungan ng mga pinagkatiwalaang pangasiwaan ang kanilang opisina sa gobyerno. Ngunit iba pa rin kung naririnig nila ang mga dumaraing sa ibaba, ang mga may pasakit sa buhay araw-araw, at ang mga ordinaryong mamamayang dapat na inaalalayan ng pamahalaan. Kung batid nila ang mga pinagdaraanan ng mga pinaglilikuran nila, tiyak na ang anumang manggagaling sa bibig ng mga nasa pamahalaan ay sasalamin sa kanilang malasakit.
At ang malasakit na ito sana ang nagtutulak sa ating mga lingkod-bayang gawin ang lahat para sa kapakanan ng mga mamamayan, ang pangunahing tuon ng trabaho ng gobyerno, ayon nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinabi ni Pope John XXIII na ang pinakamahalagang gawaing itinalaga sa mga opisyal ng pamahalaan ay ang pagkilala, paggalang, pagprotekta, at pagtataguyod ng mga karapatan at tungkulin ng mga mamamayan.4
Mga Kapanalig, malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga nagpapatakbo ng ating gobyerno. Ang kanilang mga ginagawang hakbang ay kasimbigat ng kanilang mga salita. Kaya kasabay sana ng pagpapatupad nila ng mga hakbang na makatutulong sa mga mamamayan—lalo na sa mahihirap—na magkaroon ng nakabubuhay na sahod at ng kakayanang makabili ng sapat na pagkain, maging maingat at sensitibo rin sana ang ating mga lingkod-bayan sa mga salitang kanilang sasambitin sa publiko.
Sumainyo ang katotohanan.