269 total views
Dapat laging isa-alang alang ng mga may tinatawag na Comorbidities at ng mga Senior Citizen ang pangangalaga ng kanilang kalusugan lalo na dahil sa tumataas na bilang ng mga naapektuhan ng Covid19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Gene Nesperos ng Philippine General Hospital at nagtuturo ng Community Medicine sa UP Manila College of Medicine, mahalaga ang pagkakaroon ng wastong kaalaman ukol sa kondisyon ng ating kalusugan.
Sa programang All Rights sa Caritas in Action kasama ang Ideals Inc., tinalakay ni Dr. Nesperos, ang kahulugan ng Comorbidities at bakit lagi itong prayoridad sa mga sinusuri sa Covid19 at maging sa pagbibigay ng bakuna.
Ipinaliwanag ni Dr. Nesperos na ang pagkakaroon ng Comorbidities o sakit na ginagamot sa pamamagitan ng maintenance medicine ay nagiging kumplikasyon upang mas mapahina ang ating immune system na dahilan upang madaling tamaan ng Covid19 ang isang indibidwal lalo na ang mga nakatatanda.
“Ang mahalaga sa mga taong may edad ay malaman kung may comorbidities sila ito yung mga sakit na kahit gamutin mo ay tuloy-tuloy hindi titigil hindi tulad ng impeksyon na kapag ginamot mo uminom ka ng antibiotic okay ka na. eto kahit bumaba na sa normal ang BP mo [Blood Pressure] o sugar mo balik na sa normal tataas ulit yan magkakaroon pa din ng problema saka kapag may edad na tayo ang iniwasan natin hindi lang yun sakit kundi yung kumplikasyon ng sakit.. kapag hindi na-control yun comorbidity nagiging kumplikado at yun yung nagiging bulnerable ka sa Covid kasi mahina na katawan mo.” Ani Dr. Nesperos.
Naniniwala si Dr. Nesperos na mahalagang mabakunan ang mga may karamdaman at mga seinor citizen sapagkat ang pagkakaroon ng proteksyon ng mga ito ay malaking tulong upang pababa ang bilang ng mga naapektuhan ng pandemya.
“Sila yun inuuna kasi sila yun gusto nating iligtas, pero sila yun may malaki ang pakinabang kasi kung mabakunahan sila bumaba yun tiyansa na maging malalang Covid yan o ikamatay mo malaking tulong na yan sabi nga sa laban sa Covid ano mang proteksyon ang makuha mo malaking tulong na talaga” dagdag pa ni Dr. Nesperos na isa din Community Medicine Practioner.
Batay sa datos nasa mahigit 1.5 Million na ang nabakunan sa Pilipinas kung saan ang mga napabilang dito bukod sa mga health care workers ay mga senior citizen at mga taong may karamdaman o comorbidities.