347 total views
Mahalagahang malaman ng publiko ang mga plano at programa ng bawat kandidato na nais na mahalal sa susunod na halalan.
Ito ay ayon kay Bishop-Emeritus Teodoro Bacani sa patuloy na pagtalakay kaugnay sa ‘Pulitika at Pananampalataya’ bilang bahagi ng isinusulong na election campaign ng Radyo Veritas, ang One Godly Vote.
“Meron dapat siyang mga pananaw, mga plano ng mga gagawin nya para sa bayan. Makikita na natin kung ano ang gusto nyang gawin at gusto nyang mangyari,” ayon sa Obispo.
Ito ang ikatlo sa mga pagsusuring dapat makita ng mga botante na tinatalakay ni Bishop Bacani kung saan nauna nang pinag-usapan ang karakter, performance at ang plans and programs.
“Madaling mangako, pero kung nakita mo ang ‘track record na naku, nagkaroon na nang pagkakataon pero hindi ginawa, bakit ko pa uulitin ang pagkakamali,” dagdag pa ng obispo.
Sinabi ng Obispo na bagama’t madali lamang ang mangako ay mahalagang masuri ng mga botante ang pananaw ng mga kandidato sa mga nais niyang gawin sakaling mahalal sa pamahalaan.
Paliwanag pa ng Obispo, maaari ring masukat o malaman ang sinseridad ng pulitiko kung ang kaniyang mga naisin at programa ay akma sa kanyang mga naunang ginawa at naisakatuparan.
Ang talakayan ay mapapanood at mapapakinggan sa programang Barangay Simbayanan tuwing Martes ganap na ika-9 ng umaga sa Radio Veritas.
Hinihikayat naman ng Archdiocese of Manila Archdiocesan Social Communication ang mga botante na gamitin ang mga panuntunan ng One Godly Vote sa pagsuri ng karakter ng mga kandidatong iboboto sa 2022 elections.