501 total views
Nakatakdang simulan ng Caritas Philippines ang pagpapatupad ng dalawa sa pangunahing Alay Kapwa Legacy Program nito bilang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace at national director ng NASSA- Caritas Philippines ,sisimulan na ang pagpapatupad ng Pamilya Feeding Program at Educational Assistance Program kung saan magmumula sa iba’t ibang diyosesis ang mga benepisyaryo ng programa.
Pagbabahagi ng Obispo, 60-pamilya mula sa anim na piling diyosesis sa bansa ang pipiliing benepisyaryo para sa Pamilya Feeding Program na bibigyan ng 300-piso kada araw sa loob ng 6 na buwan.
Kabilang sa anim na diyosesis na bahagi ng Pamilya Feeding Program ng Caritas Philippines ay ang mga diyosesis ng Kidapawan, Dumaguete, Infanta, Libmanan at arkidiyosesis ng Cotabato at Capiz.
“Ipapatupad na po natin ang ating Alay Kapwa Legacy Program ng Caritas Pilipinas [ang] Pamilya Feeding Program at Educational Assistance Program para sa ating mga kabataan. Anim na mga diyosesis ang tatanggap ng tulong para sa Pamilya Feeding Program ang mga diyosesis ng Kidapawan, Cotabato, Capiz, Dumaguete, Infanta at Libmanan. Bawat pamilya po ay bibigyan natin ng 300pesos everyday at ang bawat diyosesis ay pipiliin natin ang mga beneficiaries 60-families for every dioceses at itong tulong ay ibibigay natin for 6-months.” Ang bahagi ng pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Sampung (10) mga diyosesis naman sa bansa ang kabilang sa Educational Assistance Program ng Caritas Philippines kung saan ang bawat diyosesis ay pipili ng 50 mga kabataang benepisyaryo na pagkakalooban ng 10,000 libong piso at gadgets na magagamit para sa pag-aaral.
Kabilang sa sampung diyosesis na ito ay ang mga diyosesis ng Bontoc-Lagawe, Basilan, Jolo, Marawi, Libmanan, Infanta, Dumaguete, Capiz, Cotabato at Kidapawan.
“Para naman sa atin Educational Assistance Program, sampung mga diyosesis ang bibigyan natin ng tulong ang mga diyosesis ng Bontoc-Lagawe, Basilan, Jolo, Marawi, Libmanan, Infanta, Dumaguete, Capiz, Cotabato at Kidapawan. Bawat diyosesis po ay pipili ng 50 na mga kabataan at ang bawat bata na ating tutulungan ay bibigyan natin ng 10,000pesos at maliban diyan ay tutulungan pa natin na magkaroon sila ng mga gadgets para sa kanilang pag-aaral.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, layunin ng Alay Kapwa Legacy Program ng Caritas Philippines na maiangat ang buhay ng mga mamamayan mula sa paghihirap at magsilbing daan para sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Umaasa naman ang Obispo sa patuloy na suporta ng bawat isa sa mga adbokasiya at programa ng Caritas Philippines upang patuloy pang dumami ang mga matulungan ng Simbahang Katolika sa bansa.
“Ang lahat po ng ito ay ating ginagawa upang ang ating mga kababayan ay maiangat natin sa kanilang paghihirap at mabigyan natin ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataan. Tulungan niyo po ang Caritas Pilipinas, magtulungan po tayo para sa ating bayan, kapwa ko, pananagutan ko.” Apela ni Bishop Bagaforo.