807 total views
Mga Kapanalig, nais ng bagitong mambabatas na si Senador Robin Padilla na ipa-ban ang isang Hollywood movie dahil sa aniya’y negatibong paglalarawan sa Pilipinas.
Bilang Muslim, masakit daw para sa senador na makitang masamâ at pangit na imahe pa rin ng Mindanao—partikular na ng Jolo sa probinsya ng Sulu—sa pelikula kahit pa kathang-isip lamang ito. Umiikot ang kuwento ng pelikula sa isang pilotong nag-emergency landing ang eroplano sa Jolo na kontrolado kunwari ng mga armadong grupong kumakalaban sa gobyerno. Magiting na nakipaglaban ang piloto upang iligtas ang mga pasahero niya mula sa kamay ng mga rebelde.
“Reputasyon ng Inang Bayan”, ani Senador Padilla, ang nakataya sa pelikula. Parang binabanatan daw ng mga dayuhang lumikha ng pelikula ang ating bayan. Dagdag pa niya, matagal na raw na wala ang militar sa Jolo; ibig sabihin, mapayapa na sa lugar na iyon. Nakahanap naman ng kakampi si Senador Padilla kay Senate President Juan Miguel Zubiri na bagamat trailer lamang ng pelikula ang napanood, sinabi niyang dapat iprotesta ng Pilipinas ang pagpapalabas ng naturang pelikula. Malayo raw ito sa totoong nangyayari sa Sulu. Hindi rin daw ito makatutulong sa ating turismo. Bilang tugon sa panawagan ng mga senador, ire-reevaluate ng Movie and Television Review and Classification Board (o MTRCB) ang pelikula.
Kung mamarapatin ng ating mga senador, may iba pang mga pangyayari sa ating bansa ang mas kahiya-hiya hindi lang sa paningin ng mga dayuhan kundi sa ating mga Pilipino mismo.
Isang halimbawa ay ang matinding trapik at pagtitiis ng mga mananakay. Maraming oras ang nasasayang sa kanilang pagpila habang naghihintay ng masasakyang bus o tren. Asahan nating titindi pa ito sa pansamantalang suspensyon ng operasyon ng Philippine National Railways sa loob ng limang taon upang bigyang-daan ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway. At ngayong linggo nga ay mayroong transport strike.
Hindi rin maganda sa ating imahe ang nangyaring pagpatay kamakailan sa isang turista mula sa New Zealand. Pinatay siya matapos subukang manlaban sa mga holdaper na riding-in-tandem. Nakuha sa turista ang kanyang cellphone at wallet. Bagamat lumutang na ang sinasabing suspek matapos mag-anunsyo ang kapulisan ng kalahating milyong pisong pabuya, ano ang garantiyang magiging ligtas ang mga dayuhang bumibisita sa ating bansa?
At nakatutulong din ba sa ating imahe ang pagkulong sa mga hindi naman napatutunayang nagkasala sa batas? Si dating Senadora Leila de Lima, halimbawa, ay anim na taon nang nakabilanggo para sa mga kasong gawa-gawa lamang. Samantala, malaya’t hindi pinapanagot sa batas—ang ilan nga ay may posisyon pa sa gobyerno—ang mga napatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan. Anong imahe ang ipinipinta nito tungkol sa sistemang pangkatarungan sa ating bansa?
Ang sigasig ng mga senador na umaalma sa isang kathang-isip na kuwento ng isang pelikula ay makita rin natin sana sa pagtugon nila sa mga totoong isyung kinakaharap natin. Anong batas ang isinusulong nila upang gumaan naman ang pagbiyahe ng mga mananakay? Anong patakaran ang nais nilang ipatupad ng kapulisan upang maging panatag hindi lamang ang mga dayuhan kundi ang lahat ng mamamayan sa tuwing nasa labas sila ng kanilang tahanan? May gagawin ba sila upang makalaya na ang mga patuloy na ginigipit ngunit wala namang kasalanan?
Mga Kapanalig, hanapin natin sa ating mga lider ang mga lingkod-bayang nababagabag sa tunay na kalagayan ng ating lipunan, gaya ng sinasabi ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium. Ang mga nasa pamahalaan—lalo na ang mga nasa matataas na posisyon—ay binigyan ng maraming bagay, kaya, wika nga sa Lucas 12:48, dapat silang hanapan ng marami at panagutin ng lalong marami. Sana, pagtuunan din nila ng pansin ang mga bagay na tunay na mas kahiya-hiya.
Sumainyo ang katotohanan.