177 total views
Ito ang pangunahing layunin ng Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese of Manila na lumilikha ng mga programang makatutugon sa lumalalang kahirapan sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas, malaki ang ginagampanan ng Caritas Margins, sa pagtugon sa kahirapan sa pamamagitan ng paglikha ng mga negosyo at hanapbuhay na makatutulong sa mga mahihirap sa lipunan.
“Itong ginagawa ng [Caritas] Margins nagde-develop ng mga mangangalakal at negosyo ay isang napakagandang pamamaraan upang tayo talaga ay magkaroon ng poverty eradication,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Iginiit ng Pari na mas kinakailangan ngayon ng Pilipinas ang maraming negosyo upang mapigilan ang mga Filipinong nangingibang bansa na batay sa tala ay higit sa 5, 000 ang umaalis araw-araw upang makipagsapalaran at maghanapbuhay sa ibayong dagat.
Ayon kay Fr. Pascual, kung may pagkakakitaan ang mamamayan dito sa bansa ay mas pipiliin nitong mananatili dito kapiling ang mga mahal sa buhay.
“Kung lalago ang negosyo at mag eempleyo ito ng mga kapitbahay, hindi umaalis ang mga Filipino sa ating bansa,” dagdag ni Fr. Pascual.
Batay sa Apostolic Exhortation na Evangelii Gaudium binigyang diin ni Pope Francis na ang hindi pagkakapantay pantay ay ang ugat ng panlipunang suliranin at lalong nagpapalubha sa kahirapan na dinadanas ng mamamayan.
Tampok sa Caritas Margins Expo ang mga produktong gawa ng mga komunidad ng maralitang tagalunsod, mga bilanggo at mga katutubo na tinutulungang maipakilala sa publiko.
Kasalukuyang tinutulungan ng Caritas Margins ang mahigit sa 1, 500 mga maliliit na negosyante sa buong Pilipinas upang mas lalong lumago ang kanilang negosyo at magkaroon ng sapat na hanapbuhay ang mga Filipino.