225 total views
Hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na tularan si San Antonio De Padua sa pagbabahagi nito ng mga biyaya ng Panginoon sa kapwa.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, binigyang-diin nito na ang bawat tao ay may taglay na natatanging biyayang nagmula sa Panginoon.
Naniniwala si Cardinal Tagle na kung pagsasama-samahin ng buong komunidad ang bawat biyayang ito ng Diyos ay mas mapatatatag ang lipunan.
Binigyan diin ng Kardinal na ang pinaka-mahalagang kaloob ng Panginoon na taglayin ng bawat tao ay ang pag-big sa Diyos at sa kapwa.
Ipinaliwanag ng kanyang Kabunyian na anumang talento, katalinuhan o biyayang ipagkaloob ng Panginoon sa tao ay hindi magbubunga ng kabutihan kung hindi namamayani ang pag-ibig.
“Only in love will the different gifts will work together for the common good.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Inihayag ng Kardinal na kinakailangan ding kasama ng pag-ibig ay ang misyon ng bawat mananampalataya para sa ikabubuti ng nakararami.
Binigyang diin nito na ang mga talentong ipinagkakaloob ng Diyos ay hindi dapat gamitin para sa pansariling kapakanan bagkus sa pagtulong sa kapwa.
Iginiit ni Cardinal Tagle na masasayang lamang ang mga biyayang ipinagkakaloob sa tao, kung magagamit ito sa kasamaan at hindi sa tunay na misyon ng bawat mananampalataya na ipalaganap ang mabuting salita ng Diyos.
“The gift will be there generously given by God, but we can waste the gift if not used for the good of the people and that’s how mission is important. The gifts given to us by God are not for personal consumption. All the gifts, they are given to us for a mission, which is to make Jesus known to strengthen brothers and sisters, and to strengthen the community. Without the sense of mission, the gifts will be wasted.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Kahapon ipinagdiwang ng simbahan ang kapistahan ni San Antonio de Padua na tinaguriang “Doctor of the Church” at patron ng mga nawawalang bagay.
Nakilala ang Santo sa kaniyang husay sa pangangaral ng salita ng Diyos at sa malalim nitong pagmamahal sa mga mahihirap at may sakit.
Dahil dito, umaasa si Cardinal Tagle na matutularan ng bawat mananampalataya ang mabubuting gawain ni San Antonio De Padua, at ang bawat isa ay makapagbibigay ng tulong sa pinaka mahihirap at sa mga nakalilimutan na ng lipunan.