239 total views
Ang lahat ng mga binyagan ay itinalaga ng espiritu santo upang maging tagapangasiwa ng Diyos.
Ito ang inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homiliya para sa Misa ng Krisma na isinagawa sa Manila Cathedral.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na lahat ng mga binyagang Kristyano’t Katoliko ay itinalaga ng Diyos na katuwang sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo ngunit mayroon namang pambihirang tungkulin ang mga inordinahang Pari na ganap na maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagpukaw sa kamalayan at pagpapalalim sa pananampalataya ng mga binyagang layko.
Dahil dito, umapela ang Arsobispo sa lahat ng mga mananampalataya na huwag sayangin ang biyaya ng espiritu santo.
“Nakikiusap po ako, huwag nating sayangin ang pagdating ng espiritu santo sa ating lahat nung tayo ay bininyagan, lahat po tayo ay itinalaga lahat sa binyag itinalaga para maging bahagi ng bayan na maglilingkod sa Diyos, iba’t ibang kaloob pero lahat ay para sa Diyos para maglingkod, at kami po na inordinahang pari hindi lamang kami ang tinatawag para maglingkod, ang amin pong paglilingkod ay gisingin, palaguin ang ipinangako nating lahat sa binyag upang ito ay mamunga para sa paglilingkod sa Diyos at sa bayan.” homiliya ni Cardinal Tagle.
Bukod dito, binigyang pansin din ni Cardinal Tagle ang mahalagang papel na ginagampanan ng bawat isa upang magabayan ang mga kabataan mula sa negatibong epekto ng patuloy na paglaganap ng mga maling impormasyon, partikular na lamang ang mga fake news at mga masasamang halimbawa sa lipunan.
Giit ng Arsobispo, kinakailangang pangunahan ng mga mananampalataya ang pagpapahayag ng mabuting balita na magsisilbing gabay at makapagpapalaya sa mga kabataan mula sa magulo at marahas na lipunan.
Pagbabahagi ni Cardinal Tagle, may iba’t ibang uri ng pagkabihag o pagkaalipin sa lipunan na maaaring bumiktima sa mga kabataan kung hindi sila mabibigyan ng naaangkop na paggabay.
“So many young people never hear good news they only hear criticism, they only hear their incapacity to meet the expectations, expectations which are not realistic. We are consecrated anointed by the Spirit, parents, teachers, peers go live your consecration proclaim Good News.. Those consecrated by the spirit will proclaim liberty to captives, those consecrated by the spirit will not lead others to further captivity and imprisonment and enslavement. Ang dami dami pong iba’t ibang uri ng pagkabihag, ng pagkapreso at kawawa ang ating mga kabataan hindi nila alam sila ay napipreso na, naaalipin na.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Batay sa tala noong 2016 may aabot sa halos 600 ang bilang ng mga Pari ng Archdiocese of Manila na binubuo ng may 245 diocesan priest at 342 religious priest na nagsisilbing pastol ng may 3.7-milyong mananampalataya mula sa may 85 parokya.
Samantala ginawaran naman ng pagkilala ng Archdiocese of Manila sa Misa ng Krisma ang 11 Jubilarians ng arkideyosesis na nagdiriwang ng kanilang ika-25 taon, 50-taon, 60-taon at 65-taon bilang mga Pari.