202 total views
Hinamon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na paghariin sa kanilang buhay ang pag-ibig.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle sa banal na misa para sa commissioning of the Association of St. John Marie Vianney (ASJMV), sinabi nito na ang daan ng buhay ng tao ay ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.
Sinabi ni Cardinal Tagle na para makamit ito ay kinakailangang mamatay ang isang tao sa kaniyang sarili.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle naang pagkamatay sa sarili, ay ang paglimot sa mga pansariling pangangailangan at pagtalima sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.
Inihayag ng Kardinal na kung ito ay nagawa ng bawat tao ay mamamayani ang pag-ibig sa lipunan at makakamit ng bawat isa ang tunay na buhay na inaasam ng mga tao.
“Kapag wala ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa hindi ka tunay na buhay. Ano lang yan, parang huwad na buhay, sa bandang huli ang buhay natin ay natatagpuan sa pag-ibig at kung ikaw ay umiibig buhay na buhay ka, kapag ikaw ay nagmamahal, ikaw rin handang mamatay… Ang tunay na nagmamahal, hindi sarili ang inuuna, mamamatay ka sa sarili, mamahalin mo ng buo ang Diyos at ang kapwa pero kung kelan ka namatay sa sarili, doon ka buhay na buhay. Kaya ang daan ng buhay ay pag-ibig.” Bahagi ng Homiliya ni Cardinal Tagle
Paalala ng Kardinal na upang mapanatili ang pag-ibig at matiwasay na buhay ay hindi dapat bigyan ng puwang sa puso ng tao ang inggit, poot at paghihiganti.
Umaasa din ito, na sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng tao sa pag-ibig ay matitigil na ang masasamang gawain na kumikitil sa buhay ng tao at sumisira sa isang mapayapang lipunan.
“Kapag binigyan natin ng puwang ang poot, ang paghihiganti, ang galit, lahat ng yan at pinalago yan sa halip na pag-ibig ang palaguin, wala, hindi tayo mabubuhay ng matiwasay, at kung tayo po ay mag uutos sa iba, sana laging utos ng pag-ibig, upang pag ginawa nila, ‘yon ay magtataguyod ng buhay. At sana itigil na sa ating lipunan, itigil na sa ating mga kapitbahayan at ating barangay at kalye yong mga utos na hindi naman galing sa pag-ibig, kasi ‘yan ang mga utos ng pagpatay.” Pahayag ng Cardinal.
Dagdag pa ni Cardinal Tagle, nawa ay masalamin sa mga kasapi ng Association of St. John Marie Vianney, ang laki at tayog ng pag-ibig na ipinamalas ng Santo sa kan’yang paglilingkod sa simbahan.
Naniniwala ang Cardinal na kung ito ang makikita sa buhay ng bawat miyemro ng ASJMV, ay mas makahihikayat pa ito ng maraming kabataan upang maglingkod sa simbahan.
Aniya, sa paglilingkod ng mga kabataan sa simbahan ay lalo silang magagabayan ng mga nakatatanda sa kanilang paghahanap sa bokasyong nais ng Diyos para sa bawat isa.