841 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mananampalataya na gawing araw ng panalangin ang paggunita sa All Saints at All Souls Day sa November 1 at 2.
Ito ang apela ng obispo sa mga Pilipino sa halip na kasiyahan at katatakutan ang pairalin tulad ng Halloween party.
“Gawin po natin itong araw ng Panalangin (undas) para sa mga banal at yumaong mga mahal natin sa buhay, hindi party party lamang,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng obispo na sa November 1 ay araw upang parangalan ang lahat ng mga banal ng simbahan na nagtalaga ng kanilang buhay sa Panginoon at tinatamasa ang kaharian ng Diyos.
Umaasa ang Obispo na maging huwaran ng mamamayan ang halimbawa ng mga banal na buong kababaang loob na sumunod sa Panginoon maging ang pag-alay ng buhay para sa pananampalataya tulad ng ginawa nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod ang dalawang Pilipinong kabilang sa mahigit sampung libong santo ng simbahan.
Iginiit ni Bishop Bacani na sa November 2 ang mahalagang pagkakataon na magbuklod ang bawat pamilya upang ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa ng mga yumaong kaanak na marahil ay nasa proseso ng paglilinis upang makamtan ang kaharian ng langit lalo na ang mga nasawi sa COVID-19, trahedya, digmaan at iba pang sakuna.
“Sa November 2 itinatalaga ito para sa araw ng mga kaluluwa , ipagdasal natin sila sapagkat sa pamamagitan ng mga panalangin umaasa tayong balang araw ay makamit nila ang kaharian ng langit tulad ng tinatamasa ng mga banal,” giit ni Bishop Bacani.
Ngayong taon ay muling pinahintulutan ng pamahalaan ang pagbubukas sa mga sementeryo sa bansa makaraan ang dalawang taon dahil sa pandemya.
Nakiisa ang Radio Veritas sa mamamayan sa paggunita ng Undas kung saan maaring magpadala ang mga Kapanalig ng kanilang prayer intentions para sa kaluluwa ng mga yumaong kaanak.
Maari ding magpamisa sa mga yumaong mahal sa buhay at makipag-ugnayan lamang kay Renee Jose ng Religious Department sa telepono 8925-7931 hanggang 39 local 129 o mag-text sa 09176314589.
Sa huli paalala ni Bishop Bacani sa mga Pilipino ang taimtim na panalangin at pananatiling malinis,maayos at mapayapang paggunita ng Undas 2022.