1,518 total views
Nilinaw ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na ang paggunita sa Araw ng mga Yumao ay paalala sa bawat mamamayan na may hangganan ang buhay ng tao sa sanlibutan.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng Obispo ang pagiging handa ng bawat isa sa itinakdang oras ng Diyos.
Ipinaalala ni Bishop Uy ang kahalagahan ng pagsasabuhay sa mga turo ng Panginoon at mamuhay sa kabutihan.
“Ang Alls Souls Day magpahinumdom kanato sa kamubo sa kinabuhi sa tawo ug magdasig kanato sa pagpangandam alang sa pag-abot sa kamatayon,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Batid ni Bishop Uy na marami ang namumuhay na makasanlibutan na karaniwang ina-alala ang kasalukuyang estado ng buhay kaya’t hindi handa sa paglisan.
Dahil dito hinimok ng obispo ang mananampalataya na pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa simbahan, pagkalinga sa kapwa at pagkakawanggawa upang maging kalugod-lugod sa Diyos.
Ngayong taon muling pinahintulutan ng pamahalaan ang pagdalaw ng mamamayan sa puntod ng mga yumaong kaanak makaraan ang dalawang taong pagpaliban dahil sa pandemya.
Unang hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mananampalataya na magbuklod ang bawat pamilya at ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay.