610 total views
Napakahalaga, kapanalig, ng enerhiya, sa kagalingan ng anumang bansa. Ito ay isang engine for economic growth. Nararapat lamang na tiyakin natin ang sustainability ng ating mga pinagkukunan ng enerhiya dahil kapag dagling maputol ito, malaking porsyento ng produksyon ng bayan ang maantala.
Sa ngayon, medyo naka-asa pa rin tayo sa mga fossil fuels para sa ating enerhiya. Kadalasan, ito ay atin pang binibili o inaangkat mula sa ibang bansa. Mahigit pa sa 50% ng ating enerhiya ay mula sa fossil fuels, kasama na ang coal at langis. Mahal ang mga ito, nauubos, at nagdudulot pa ng panganib sa ating kapaligiran. Ang mga ito ay nag-e-emit ng greenhouse gases na siyang dahilan ng climate change. Kailangan maiba naman ang source ng ating enerhiya kapanalig, upang ating maibsan ang mga negatibong epekto ng mga fossil-fueled energy sa ating bansa, maging sa buong mundo.
Ang mga renewable energy sources sana gaya ng hangin, tubig, at araw ay mga sustainable and clean sources of energy. Angkop na angkop sana ito sa mga bansang gaya natin na sagana sa mga likas-yaman. Kaya nga’t napaka-ironic na bagama’t sagana tayo sa araw, tubig, at hangin, napakamahal ang pag-gamit nito para sa enerhiya. Ang presyo nga nito ang pinaka-malaking sagabal sa pagsulong ng renewable energy sa ating bayan. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 30% lamang ang renewable energy sa ating energy mix.
Maraming mga households o kabahayan ang nag-nanais na gumagamit ng solar energy sa Pilipinas. Kaya lamang lampas pa sa P100,000 ang installation nito, halaga na hindi abot-kaya ng karaniwang Filipino. Malaki sana itong tulong upang mapababa ang konsumo ng elektrisidad ng mga kabahayan. Malaki rin ang potensyal ng hydropower sa ating bansa. Ang untapped hydropower resource potential ng ating bansa ay tinatayang nasa 13,097 megawatts. Malaking tulong sana ito lalo pa’t pataas ng pataas ang energy demand ng bayan. Ang wind power din ay malaking tulong, kaya lamang napakamahal itaguyod ito at karaniwang mga foreign investors ang nais at kaya mamumuhunan dito.
Kapanalig, napakaraming ganansya o advantages ng pagsulong ng renewable energy sa bansa. Malaking tulong ito sa paghilom ng kalikasan, at malaking tipid din ito sa mga kabahayan. Matitiyak pa natin ang energy supply, na kailangan ng bayan ngayon dahil pataas ng pataas ng energy demand sa Pilipinas.
Mainam na estratehiya para sa kasalukuyang administrasyon ang tumutok sa pagtataguyod ng mga imprastraktura at polisiya na magpapalago ng renewable energy sa bansa. Ayon nga kay Pope Francis sa Laudato Si: There is an urgent need to develop policies so that, in the next few years, the emission of carbon dioxide and other highly polluting gases can be drastically reduced, for example, substituting for fossil fuels and developing sources of renewable energy. Ito ay isang lasting legacy – mga pamana sa susunod na henerasyon na magsusulong ng sustainability at progress.
Sumainyo ang Katotohanan.