330 total views
Kapanalig, pagdating sa edukasyon, ang karaniwang nagiging usapan sa ating lipunan ay ang transisyon sa online learning noong panahon ng pandemya, at ang transisyon sa pagbabalik sa face-to-face classes nang humupa naman ang pandemya. Medyo nakalimutan natin, kapanalig, ang ibang mag-aaral na bago pa man dumating ang COVID-19, ay hindi na nakakapasok sa pormal na paaralan – silang mga mag-aaral na nag-a-avail ng alternative education.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang Alternative Learning System (ALS) ay isang learning system para sa mga out-of-school youth (OSY) at adult learners. Sa ALS, ang mga learners na ito ay tinuturuan ng basic at functional literacy skills at tinutulungan silang makapagtapos ng basic education. Binibigyan sila ng second chance para makapagtapos.
Bago pa man dumating ang pandemya, modular na ang mode of education sa mga community learning centers ng ALS. Kadalasan, pupunta ang mga mag-aaral sa mga centers na ito minsan o mahigit pa sa isang linggo para makipagkita sa guro o facilitator. Ang learning plan sa ALS ay flexible. Kadalasan, depende sa pangangailangan ng mag-aaral. Kapag natapos ng estudyante ang programa, kukuha siya ng ALS Accreditation and Equivalency test upang maka-usad sa next level.
Ang ALS program kapanalig, ay napaka-halaga. Ayon sa UNICEF, mula 2016 hanggang 2020, mga 4.2 milyong OSY at adults ang nakapag-patuloy ng pag-aaral dahil sa ALS. Ang laking benepisyo nito kapanalig, kaya maganda sana na pagtibayin pa ng pamahalaan ang ALS sa ating bayan. Ang dami na ng natulungan nito. Ayon sa World Bank, tinatayang 130,000 learners ang nakakatapos ng high school dito kada taon. Ang mga nakapagtapos ay kumikita ng mas malaki ng P7,400 kaysa sa mga high school dropouts. Mas marami rin sa mga pumasa ang nagkakaroon ng full-time employment at 60% sa kanila ay nagpapatuloy pa sa pag-aaral at sa training.
Kaya sana, ngayong bumabalik na ang lahat ng mag-aaral sa pormal na edukasyon, huwag din natin kaligtaan ang ang mag-aaral sa alternative learning system. Habang ating pinalalakas ang formal education, patatagin din natin ang ALS. Ang pagsasagawa nito ay kongkretong aksyon tungo sa panlipunang katarungan. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng educational alliance noong 2019– First, we must have the courage to place the human person at the centre. To do so, we must agree to promote formal and informal educational processes that cannot ignore the fact that the whole world is deeply interconnected, and that we need to find other ways, based on a sound anthropology, of envisioning economics, politics, growth and progress.
Sumainyo ang Katotohanan.