185 total views
Nagpahayag ng paggalang at respeto ang Malacanang sa naging pahayag ni President Donald Trump na “America First” bilang prayoridad ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, katanggap-tanggap ang naturang pahayag ng bagong Pangulo ng Amerika para sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan.
Paliwanag ni Abella, natural lamang na gawing prayoridad ng isang bagong pinuno ng bansa ang pangangalaga, pagsasaayos at pagpapaunlad ng kanyang sariling bayan bago ang kapakanan ng iba.
Ito rin ayon sa Kalihim ang pangunahing isinusulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang unang pitong buwan sa panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas.
“We respect the “AMERICA FIRST” pronouncement of President Trump as defining the first principles of his administration. In like manner national interest is the primary consideration that guides President Rodrigo Duterte. His pursuit of peace and order is the bedrock of economic inclusivity and self-sufficiency. ” pahayag ni Abella.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Abella ang patuloy na pagpapatatag sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at Amerika para na rin sa common good o kabutihan ng mas nakararami.
Sa kasalukuyan batay sa datos tinatayang nasa 4.7-bilyong dolyar ang US direct investments ng Estados Unidos sa Pilipinas, habang tinatayang aabot naman sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa America.
“Still, we recognize the indispensable need to strengthen relations with allied nations as our progress, prosperity and national well-being rely on such harmonious partnerships. The community of nations prosper as each one seeks its common good, and when it comes together to support the well-being of our common humanity.” Dagdag ni Abella.
Magugunitang una na ring nanawagan sa pamahalaan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na palagiang ikonsidera at tiyakin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Filipino sa lahat ng mga desisyon nito sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga bansa.
Ika-20 ng Enero ng pormal na manumpa sa katungkulan ni Trump bilang ika-45 Pangulo ng Estados Unidos kapalit ni Former US President Barack Obama.