203 total views
Hinimok ni Marawi Bishop Edwin Dela Pena ang international community na tumulong sa relief operation at rehabilitation ng Marawi City, sa halip na pagtugis sa mga bandidong Maute Group.
Ito ang panawagan ng Obispo kaugnay na rin sa ulat na alok na tulong ng Estados Unidos na magsagawa ng air strike sa Marawi para tuluyan ng matapos ang digmaan doon.
“Kung gusto nila tumulong, yung ito sa epekto ng giyera. Ang daming maari nilang gawin para makatulong. Itong relief operation, yung rehabilitation ang pagbangon muli ng Marawi. Yun ang maari nilang itulong sa atin, pero ung makikialam sila sa atin ay hindi ako pumapayag nyan e,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Dela Pena.
Ayon pa sa obispo sa kasalukuyan ay wala pang bagong balita silang natatanggap mula sa pamahalaan hinggil sa estado ng mga hostages, kabilang na ang bihag na pari na si Fr. Chito Suganob.
Aniya, ang huling balita na kaniyang natanggap ay noon pang August 1 – na tulad sa lumabas na ulat ay sinasabing buhay pa si Fr. Suganob, at ang pagkoconvert ng mga bihag sa Islam na ginagamit din bilang mga Maute warriors.
“Pero ung aming mga hostages ay may edad na yun. Yung iba ay senior na ‘yun, marami silang maintenance na tine-take every day wala silang maintenance ilang buwan na ngayon. Kaya nga senior e kailangan na tuloy tuloy ang kanilang maintenance medicine. Pinangangamba namin ang kalusugan nila,” ayon kay Bishop Dela Pena.
Sa kasalukuyan ay may tatlong buwan na ang umiiral na digmaan sa Marawi City dahilan din para palawigin ng pamahalaan ang martial law ng hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon.
Umaabot na rin sa 695 ang naitalang nasawi sa kaguluhan kabilang na dito ang 528 mula sa mga terorista, 122 mga sundalo at pulis at 45 ang mga sibilyan.
Una nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na walang pag-unlad sa isang bansang may digmaan at makakamit lamang ang kapayapaan sa pamamagitan ng payapang dayalogo at hindi sa pamamagitan ng karahasan.