240 total views
Kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni San Jose ng Manggagawa, nagbahagi ng food packs ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) katuwang ang La Salle Brothers sa mga residente ng Manila North Cemetery at San Jose Parish – Agudo, Caloocan.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Bro. Armin Luistro FSC, ng La Salle Brothers, sinabi nito na malaking bahagi ng mga residente ng Manila North Cemetery ay tinuturing na homeless at walang permanenteng address.
“Karamihan sa kanila ay hindi rin nakalista doon sa ammelioration ng gobyerno at sa barangay. Kaya ‘yung mga taong simbahan ay natututulong tulong para makapagbigay.” pahayag ni Luistro
Dagdag pa ni Luistro hindi lamang ang mga residenteng nakakatanggap ng food packs ang natutulungan ng grupo dahil direktang binibili sa mga magsasaka at mangingisda ng iba’t ibang probinsya ang mga gulay at isda na kasama sa ipinamamahagi na food packs.
Nananatili pa rin sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila dahilan upang mawalan ng hanap buhay ang maraming Filipino.
Bagama’t maraming manggagawa ang nawalan ng hanap buhay, binigyang pagpapahalaga pa rin sila ni Rev. Fr. Angel Cortez ang Executive Secretary ng AMRSP ngayong Dakilang Kapistahan ni San Jose Manggagawa
“Kung meron mang buhay ang lipunan ngayon, ‘yun ay dahil sa mga mangaggawa na nagbigay ng kanilang buhay. Kaya lang ngayong panahon ng krisis, madaming mga manggagawa ang hindi makapagtrabaho at kung meron mang halaga itong ginagawa natin, sa ating maliit na paraan ay nawa mapasalamatan natin sila. Sa araw ng dakilang paggawa sa pamamagitan ni San Jose na inspirasyon ng mga manggagawa, dinadakila natin sila at binibigyan ng buhay sa pamamamagitan ng tulong na ito.” pahayag ni Fr. Cortez sa Radio Veritas.
MENSAHE NG KAPISTAHAN NI SAN JOSE
Binigyang diin rin ni Rev. Fr. Carlos Ilda ang kura paroko ng San Jose Parish – Agudo, Caloocan ang kahalagahan ni San Jose ngayong nahaharap ang buong mundo sa pandemya bunsod ng coronavirus disease. “May tatlong katangian si San Jose; San Jose bilang may mabuting puso, si San Jose bilang manggagawa, at si San Jose bilang isang tumutupad sa tungkulin. Itong tatlong ito ay kaakibat din natin dahil kailangan natin tumulong. Bagama’t patuloy tayong hinahamon ng ECQ na mag-stay sa bahay. Kailangan natin lumabas, hindi lumabas na hindi makatutulong, kung hindi paglabas na may maitutulong. Si San Jose ay hindi po nagpapabaya, si San Jose ay patuloy na nakikilagbay sa atin sa kabila ng ECQ”. Pahayag ni Fr. Carlos sa Radio Veritas.