159 total views
Nagpahayag ng pagsang-ayon at pakikiisa ang Association of Major Religious Superior in the Philippines (AMRSP) sa inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kinahaharap na “Crisis of Truth” ng bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Angel Cortez – Executive Secretary ng AMRSP, totoo ang kinahaharap ng bansa na krisis ng katotohanan sa lipunan kung saan mahirap na matukoy sa kasalukuyang panahon ang mga totoong balita mula sa mga huwad at mga pekeng impormasyon o fake news.
Paliwanag ni Fr. Cortez, malaki ang kinalaman ng makabagong teknolohiya sa “Crisis of Truth” sapagkat kinakain na ng teknolohiya ang mamamayan lalu na ang masa na nakadepende na lamang kanilang pinaniniwalaan sa mga nababasa sa internet at sa social media.
Giit ng Pari sa kabila ng maraming nagpapakilalang nagsasabi ng totoo o katotohanan ay dapat na mapagtanto ng mamamayan na walang ibang daan patungo sa pagkamit ng katotohanan kundi sa pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng Ebanghelyo.
“yung mamamayan, yung masa kinakain na din ng teknolohiya at dahil kinakain sila ng teknolohiya wala silang ibang batayan kundi yung nababasa nila sa social media kaya ang stand ng Simbahan diyan totoo yung sinabi ng Cardinal we are really having a “Crisis of Truth” dahil sa panahon ngayon hindi na natin alam kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo dahil ang lahat ay nagki-claim na ang sinasabi nila ay katotohanan pero sa ating loob alam natin na walang ibang daan ang katotohanan kundi ang pagyakap sa buhay ni Kristo at ang Ebanghelyo…”pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod dito nagpahayag rin ng pakikiisa si Fr. Cortez sa pagkabahala ni Cardinal Tagle sa magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas na nagbubunga ng kaguluhan sa lipunan.
Iginiit ng Pari na ang pagpabor ng mayorya ng justices ng Korte Suprema sa Quo Warranto case laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay maituturing na hudyat ng pagkamatay ng demokrasya ng bansa at malinaw na paglabag sa 1987 constitution.
“Namatay ang demokrasya dahil yung mga taong inaasahan natin na magtanggol sa atin at makinig ay sila pa mismo ang nanguna para ipakita sa buong Pilipinas na sila ang may hawak ng kapangyarihan at dahil doon sa kanilang desisyon tuluyan nilang pinatay ang demokrasya.” dagdag pahayag ni Fr. Cortez.
Dahil dito, tiniyak ng Pari ang pakikisangkot ng AMRSP hindi lamang sa mga usaping panlipunan kundi maging sa pagbabantay sa makatotohanan, makatarungan at makataong pamamahala sa bansa.
Ayon kay Fr. Cortez sa kabila ng pananalangin para sa inang bayan na bahagi ng gampanin ng mga relihiyoso na nag-alay ng kanilang buhay para sa Panginoon ay batid din ng mga religious men and women ang kinakailangan ang kongretong aksyon ng bawat isa upang maipamalas at maipakita sa bayan ang kanilang pagmamahal sa demokrasya at kalayaan ng bansa.
Sa tala ang AMRSP ay binubuo ng 283 congregasyon, kabilang na dito ang 68 men congregations kung saan 18 kongregasyon ay itinatag dito sa Pilipinas.