228 total views
May 15, 2020-7:22am
Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na Day of Prayer, Fasting and Charity.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM, mahalaga ang pananalangin at pagkakaisa ng lahat sa gitna ng krisis na dulot ng pandemic na Coronavirus Disease 2019 na hindi lamang nakakaapekto sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Paliwanag ng Pari, sa panahong dumadanas ang bawat isa ng kawalang katiyakan, takot at pangamba dulot ng nakahahawa at nakamamatay na sakit ay mahalaga ang patuloy na pananalig sa Diyos at sa pagtutulungan ng lahat ng walang pagtatangi.
“Well sa amin kasama ng lahat ng kongregasyon na bumubuo ng AMRSP sinusuportahan natin yung panawagan ng Santo Papa sapagkat itong panahon ng krisis ng COVID-19 ay hindi ito pagkakanya-kanya ito ay isang karanasan na dapat hindi natin tinatangi kung sino yung dapat nating kilalanin at tulungan…” pahayag ni Fr. Cortez, OFM sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Pari, lalo’t higit ngayong panahon na may banta ng pandemya ay mahalagang magtulungan ang lahat ng walang pinipiling pagkakakilanlan, kasarian, paniniwala o pananampalataya.
“Napakaganda ng panawagan ng Santo Papa sapagkat yung ating sakripisyo, yung ating gagawing pagtulong ay hindi natin titingnan kung sino yung bibigyan at alam ko hindi lang sa araw na ito kasi kahit itong panahon ng krisis ng COVID ay wala naman tayong pinipili…” Dagdag pa ni Fr. Cortez
Matatandaang idineklara ni Pope Francis ang ika-14 ng Mayo bilang Araw ng Pananalangin, Pag-aayuno at Pagkakawanggawa bilang patuloy na paghingi sa awa ng Panginoon na matapos na ang krisis na dulot ng COVID-19.
Ang Day of Fasting, Prayer and Charity ay iminungkahi ng Higher Community of Human Fraternity na agad namang sinuportahan ni Pope Francis.
Sa tala ang AMRSP ay binubuo ng 283 congregasyon, kabilang na dito ang 68 men congregations kung saan 18 kongregasyon ay itinatag dito sa Pilipinas.