340 total views
May 21, 2020-6:45am
Umapela ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isama ang mga lingkod ng Simbahan sa pagpaplano kaugnay sa pag-iingat ng publiko mula sa banta ng Pandemic Novel Coronavirus.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Fr. Angel Cortez, OFM hindi dapat ihiwalay ang Simbahan sa pagpaplano para sa kaligtasan ng bawat isa sapagkat kaisa ng pamahalaan ang Simbahan sa paglaban na matapos na ang krisis na dulot ng COVID-19.
“Nananawagan din naman kami sa IATF na isama din naman ang Simbahan sa pagdi-desisyon, alam namin na nagdo-double time yung gobyerno pero ang panawagan namin isama rin tayo doon sa kanilang masusing pagpaplano at pag-iisip upang kabahagi tayo kasi marami naman talagang inisyatibo ang mga kongregasyon bukod sa pagbubukas ng mga kumbento at Simbahan, pero ang panawagan natin huwag naman tayong baliwalain upang talagang yung gusto nating mangyari hindi hiwalay doon sa kabuuang plano,” ayon kay Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Pari, bukod sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos at pagbubukas ng mga kumbento at Simbahan ay marami pang ibang maiaambag ang Simbahang Katolika para sa pangkabuuang kalagayan ng bansa mula sa pagkalat ng pandemya.
Giit pa ni Fr. Cortez, dapat ituring na isa rin sa mga pangunahing pangangailangan ang gabay pang-espiritwal na naihahatid ng Simbahan Katolika sa bawat isa.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa kawalan ng sapat sa konsultasyon ng IATF-EID kaugnay sa mga gawaing pang-Simbahan.
Batay sa Section 2 No. 9 ng guidelines na inilabas ng IATF, pinahihintulutan na ang pagsasagawa ng mga gawaing pang-Simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine ngunit limatado lamang sa limang katao ang maaring dumalo habang sampu naman sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Giit ni Bishop Pabillo, hindi praktikal at hindi makatotohanan ang panuntunan lalo’t sa mga tanggapan at iba pang institusyon ay pinapayagan ng pamahalaan ang halos kalahati ng work force habang nilimitahan lamang ang maaring maging laman ng mga Simbahan na malalaki ang kapasidad upang matiyak na maipatupad ang social distancing ng bawat isa.