391 total views
Hindi na muling makababalik ang mundo sa nakagisnang “normal” na pamumuhay.
Ito ang pahayag ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), kaugnay ng patuloy na panawagan sa pangangalaga ng kalikasan maging ang sangkatauhan kasabay ng kinakaharap na nararanasang krisis pangkalusugan.
Ayon sa pahayag ng AMRSP, kung nanaisin ng lahat ang paghilom ng mundo at sangkatauhan, hindi na muling makababalik ang mundo sa nakasanayang pamumuhay tulad ng bago lumaganap ang pandemyang Coronavirus disease.
Hinimok ng grupo ang mamamayan na pakinggan ang hinaing ng kalikasan na magbago at sanayin ang mga sarili sa hindi konsyumerismong pamumuhay.
“If we want to heal the earth and heal humanity, there can be no turning back to what was perceived as normal. Listen. Nature – is asking each person living on this earth to change and evolve non-consumerist lifestyles.”, ayon sa pahayag ng AMRSP.
Hinikayat din ng grupo ang pagbuo ng mga bagong paraan sa social, economic at political system ng bansa na magtataguyod ng pagkakapantay-pantay at kapayapaan maging ang pangangalaga sa kalusugan ng kalikasan at mamamayan.
“Evolve new forms of social, economic, and political systems that promote equality and just peace. Systems that protect the health of both the environment and the people.”, ayon sa grupo.
Samantala, magsasagawa rin ng programa ang AMRSP sa ika-5 ng Oktubre, sa pakikipagtulungan ng San Isidro Labrador Parish sa East Avenue, Quezon City bilang panawagan sa patuloy na pagpaslang sa mga inosenteng mahihirap, lumalalang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, at ang pagkawasak ng ating natural na mundo.
Sinabi ng grupo na bilang bahagi ng simbahan, ay patuloy itong maninindigan at pangangalagaan ang makatao at malayang karapatan ng mga mahihirap at kilalanin ang karapatan ng kalikasan na makapagpahinga, magbago at muling mabuhay.
Kasabay ng nasabing okasyon, ay ilulunsad ng grupo ang proyektong #AMRSPCARES Food Bank na layong tiyakin ang food sustainability, naaangkop na pagkain sa mga mahihirap at lutasin ang kagutuman sa bansa.
Pinagbubuklod ng Season of Creation ang nasa 2.2 bilyong Kristiyano sa buong mundo na may iisang layunin, na sa kabila ng kawalan ng katarungan sa mundo, ay pinagtitipon para sa pandaigdigang katarungan at pangangalaga sa sangnilikha.
Sa tala, ang AMRSP ay binubuo ng 283 kongregasyon, kabilang na dito ang 68 men congregations kung saan ang 18 kongregasyon ay itinatag dito sa Pilipinas.