561 total views
Isa sa mga nakakapanglumong pangyayari sa ating henerasyon ay ang unti-unting pagkasira ng ating mundo.
Tumingin kayo sa inyong paligid; langhapin ang simoy ng hangin; tingnan mo ang mga puno sa iyong paligid. Ano ba ang estado ng iyong kapaligiran ngayon? Ano ba ang estado ng kalikasan natin ngayon?
Maraming mga siyentipiko ang nagsasabi na ang mundo natin ngayon ay unti unti ng namamatay.
Tingnan natin ang karagatan. Hindi ba’t umabot na sa kaibuturan ng dagat ang ating mga kalat? Ayon nga sa Ecowatch, isang environmental news site, ang nalikha nating mga plastic nitong nakaraang sampung taon ay higit pa sa nalikha noong nakaraang siglo. Ang masaklap, 50% ng plastic na nalilikha ay minsan lang natin gamitin. Pagkatapos, tinatapon na natin ito. Mga limang daan bilyong plastic bags din ang nalilikha sa buong mundo kada taon. Mga 500 hanggang isang libong taon bago magsimulang mabulok o madegrade ang mga ito. Binabara pa ng plastic ang ating mga daluyang tubig.
Ayon sa isang pag-aaral mula sa Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization ng Australia, halos lahat ng seabird ay nakakain na ng plastic ngayon. Delikado ito sa kanila kapanalig. Darating ang araw, maari silang maging extinct.
Ang ating luntiang mundo, kapanalig, ay lalong nagiging makulay dahil sa dami ng basurang ating tinatapon dito. Mga basura, gaya ng plastic, na matitingkad ang kulay, ngunit nakakamatay.
Isa sa mga ating dapat ipagdasal ngayon, lalo’t panahon ng undas, ay ang ating mundo. Nakaka-alarma kapanalig, ang estado ng ating mundo ngayon. Marami ng mga species ang nangamatay sa ating mga karagatan at kagubatan. Ang ating hangin, na dati’y sariwa, ngayon ay malansa, mausok, madumi. Kung hindi natin maagapan ito, baka ang tao na, tayo na, ang maging extinct.
Ang Laudato Si ni Pope Francis ay may paalala sa ating lahat. Ayon dito “Ang tao at ang kalikasan ay sabay nabubulok. Hindi natin sapat na malalabanan ang pagkasira ng ating mundo hanggat hindi natin haharapin ang kasiraan ng ating lipunan. Habang patuloy ang ating unti-unting pagbubukbok, may mga buhay na ang maagang nawawala: Ang buhay ng mga maralita (The human environment and the natural environment deteriorate together; we cannot adequately combat environmental degradation unless we attend to causes related to human and social degradation. In fact, the deterioration of the environment and of society affects the most vulnerable people on the planet… The impact of present imbalances is also seen in the premature death of many of the poor).