165 total views
Kapanalig, ngayong tag-init, marami sa ating ang pupunta sa mga nagagandahang beaches at karagatan ng Pilipinas. Marami na namang hahahanga sa ganda ng ating kalikasan. Dadami din kaya ang mga mag-aalaga sa ating kalikasan?
Ang mga beaches natin ay tunay na kahanga-hanga. Marami ngang mga turista ang patuloy na nagbabakasyon sa ating bayan dahil sa ganda ng ating mga karagatan at baybayin. Kaya lamang, tunay ba nating na-a-appreciate ang ganda nito? Inalaagaan ba natin ang lahat ng ito?
Ayon sa report ng Ocean Conservatory, ang Pilipinas ay isa sa mga top polluters ng mga karagatan, kasama ang mga bansang China, Indonesia, Thailand at Vietnam. Malaking krisis, kapanalig, ang pagdami ng plastic at iba pang polusyon sa karagatan. Ayon sa Ocean Conservatory, pagdating ng 2025, magkakaron ng isang tonelada ng plastic kada tatlong tonelada ng isda.
Malaki ang implikasyon nito kapanalig sa ating ekonomiya at sa kabuhayan ng mga mangingisda. Lason sa mga halaman at isda ng karagatan ang plastic. Pakaisipin natin kapanalig na marami tayong mga kababayang mangingisda. Malaki rin ang kita ng ekonomiya mula sa fish exports. Mababawasan ito dahil sa plastic.
Ayon nga sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), noong 2014, pang walo ang ating bayan sa top fish producing countries sa buong mundo. May kabuuang produksyon tayo na umaabot sa 4.7 million metric tons ng isda, mga crustaceans, mollusks, pati mg seaweeds at iba pang halamang pandagat. 2.4% ng total world production ay mula sa ating bayan.
Kapanalig, kung ang ating mga karagatan ay mapupuno ng plastic, mababawasan ang huli ng ating mga mangingisda. Maraming kabuhayan ang maa-apektuhan. Ang fisheries sector ay may humigit kumulang na may 1,614,368 fishing operators sa buong bansa. Malaking bahagi nito ay binubuo ng mga municipal fisheries sector, kung saan umabot sa mahigit 1.3 million ang mga operators. Malaking dagok sa kabuhayan nila ang basura sa dagat.
Ang pagdami rin ng plastic sa karagatan ay may implikasyon sa food security ng bansa. Ang mga isda ay isa sa pangunahing source o pinanggagalingan ng protina sa diyeta ng mga Pilipino. Kung liliit ang ang dami ng mga isda at dadami ang ating populasyon, magkukulang ang supply.
Ang Economic Justice for All ay may mahalagang gabay sa atin ukol sa pangangalaga sa kalikasan: Meeting human needs today and in the future demands an increased sense of stewardship and conservation from owners, managers, and regulators of all resources, especially those required for the production of food. Ang Laudato Si naman ay may paalala rin sa atin, na sana ay gumising sa atin at mag-udyok ng positibong aksyon: tanungin natin ang ating mga sarili kung anong klaseng mundo ang iiwan natin sa ating mga kabataan. Kailangan natin makita na hindi lamang kalikasan ang nakataya dito, o ang ating buhay. Ang ating dignidad ang pangunahing nakataya sa nasisirang mundo… Ang isyu ng kalikasan ay isyu rin ng kahulugan ng ating buhay.