190 total views
Mabilis ang urbanisasyon sa ating bayan, kapanalig. Sensyales ito ng kaunlaran, ngunit maari rin itong maging senyales ng kasiraan. Ang modernisasyong hindi pinaghandaan at pinag-isipan ay maaring maging mitsa ng degradasyon ng ating mga komunidad.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 33 na ang highly urbanized cities o HUCs sa ating bansa. 16 dito ay nasa National Capital Region o NCR. Apat sa HUCs ay may populasyon na sobra na sa isang milyon – Quezon City, Manila, Davao, at Caloocan. Ang bilang na ito, kapanalig, ay pihadong tataas pa.
Nasa punto tayo ng ating kasaysayan kung saan hindi lamang mas marami ang nagpupunta sa mga syudad, mas lumalawak na rin ang sakop ng mga syudad. Unti unti ng nag-e-expand o gumagapang ang urbanisasyon sa mga dati nating nakilalang mga rural areas. Ang dating mga sakahan at taniman, ngayon, puro gusali o kabahayan na. Ang mga dating kabundukan, ngayon ay mga highway na. Ang mga pagbabagong ito ay maganda sa paningin at pandinig, ngunit may mga epekto ito na lubhang nagpahirap sa marami nating mga kababayan.
Una, nakaligtaan natin ang maayos na alkantariya at maayos na daloy ng mga katubigan sa ating paligid. Kaya ngayon, konting ulan lamang, nagta-taasan ang baha. Ginagambala nito ang pang-araw araw nating buhay, nagdadala ng sakit, at naglalagay sa panganib ng ating mga buhay. Kung maayos ang pagpaplano ng ating mga syudad, hindi lalala ng ganito ang pagbaha sa napakaraming urban areas sa ating bansa.
Isa pang problema ng urbanisasyon sa ating bayan ay ang kawalan ng pabahay at kakulangan sa batayang serbisyo. Napakabilis ng pagtaas ng presyo ng lupa sa ating mga syudad, at hindi na ito maabot ng pangkaraniwang mamamayan. Dahil dito, wala silang choice kundi manirahan sa mga informal urban settlements kung saan bitin ang tubig at sanitasyon. Karaniwang mga naninirahan sa mga lugar na ito ay gulugod ng service, informal, at transport sectors. Ang kawalan nila ay ikakaparalisa rin ng syudad.
Ang mga epektong ito ng urbanisyon ay nagpapakita sa atin na nakaligtaan ng bayan ang pinaka-importanteng sangkap—ang tao. Nagtayo ng mga gusali, ng mga subdibisyon, ng mga kalye, ngunit hindi nakita kung ang mga imprastrakturang ito ay tunay na magbebenipsiyo sa mga mamamayan, hindi lamang sa iilan at sa kasalukuyan, kundi sa nakakarami at sa darating pang panahon. In a nutshell, ang urbanisasyon sa ating bayan ay hindi naging inklusibo at sustainable.
Sabi nga ng Economic Justice for All, ang anumang aspeto ng ating economic life ay dapat mahulma ng tatlong katanungan: What does the economy do for people? What does it do to people? And how do people participate in it? Hangga’t hindi nakasentro ang development at urbanisasyon sa tao, hungkag at pansamantala lamang ang kaunlaran ng lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.