477 total views
Ito ang pagninilay ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa pagdiriwang ng World Mission Sunday ngayong taon.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagdarasal para sa kaligtasan at tagumpay ng mga misyonero sa kanilang pagmimisyon, isang pagkakataon rin ang paggunita ng World Mission Sunday upang manumbalik sa puso ng bawat binyagan ang pagiging misyonero ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Ipinaalala ni Bishop Pabillo, na dapat na ibahagi sa kapwa ang mabuting balita upang higit na lumaganap ang kaharian ng Panginoon.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang social media bilang isa sa mga paraan kung paano higit na maibabahagi ang kabutihan at mabuting balita ni Hesus sa mas nakararami lalo na sa kasalukuyang modernong panahon.
“Ipagdasal natin na ang mga misyonero natin ay maging matagumpay sa kanilang pagmimisyon. Kaya ngayong Linggo hinihikayat tayo na ipagdasal ang pagmimisyon ng simbahan. Isa pang magagawa natin ngayong Mission Sunday ay buhayin uli sa ating puso ang pagiging misyonero natin. Ang bawat binyagan ay misyonero. Ang nakatanggap ng magandang balita, kung talagang magandang balita ang natanggap natin, ay dapat nating ibahagi ito sa iba. Ang magandang balita ay binabalita. Kaya huwag nating itago ang mabuting balita. Sabihin natin ito, ikuwento natin si Jesus at ang kanyang kabutihan. Ipahayag natin siya sa social media.” pagninilay ni Bishop Pabillo.
Ibinahagi ng Obispo na isang hamon para sa bawat binyagan ang pagiging misyonero ng Mabuting Balita ng Panginoon lalo’t ginugunita rin sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Pabillo, naaangkop lamang na maibahagi sa kapwa ang biyaya ng pananampalataya na ibinahagi ng mga misyonero sa mga Pilipino 500-taon na ang nakakalipas.
“Ipinagdiriwang natin ngayong taon ang 500 years ng pagdating ng Kristiyanong pananampalataya sa ating bansa. Hindi naman tayo karapat-dapat, pero sa kagandahang loob ng Diyos, biniyayaan tayong makilala si Jesus. Ang biyayang ito ay dumating dahil sa mga misyonero na dumating sa atin. Hindi naging madali ang gawain nila. Noong limang daang taon nang nakaraan, alam ng mga misyonero na pagpunta nila dito, hindi na sila makababalik sa kanilang lugar. Marami sa kanila ay namatay sa biyahe o sa sakit.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Tuwing ikatlong Linggo ng Oktubre ginugunita ng Simbahan ang World Mission Sunday na isang paraan upang ipaalala ng Inang Simbahan sa buong daigdig ang pagiging misyonero ng bawat binyagan kung saan ang lahat ay tinatawagan sa isang buhay na kaaya-aya at puno ng kaligayan sa piling ng Panginoon.
Matatandaang bukod sa mga Pilipinong lingkod ng Simbahan na naglilingkod sa iba’t ibang bansa ay una na ring binigyang pagkilala ng Santo Papa Francisco ang mahigit sa 10-milyong mga Overseas Filipino Workers na nagsisilbi ring misyonero ng Mabuting Balita ng Panginoon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.