251 total views
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng kapistahan ni Nuestra Senora de Salvacion sa Sta.Mesa, Manila.
Sinabi ni Cardinal Tagle na panatag ang tao kapag ramdam ang kaligtasan mula sa kasamaan at panganib sa lipunan.
“Payapa ang kalooban kapag tayo au ligtas.” pagninilay ni Cardinal Tagle
Ipinaliwanag ng Cardinal na hindi kailanman hinangad ng Diyos ang kasamaan sa tao kundi ninanais nitong mailigtas ang bawat mananampalataya mula sa pagkakasala.
Hinamon din ni Cardinal Tagle ang bawat dumalo sa misa na maging daan para sa kaligtasan ng kapwa sa pamamagitan ng pagpapaalala na sumunod sa kalooban ng Diyos tungo sa kaligtasan.
“Paalalahanan natin sila at maging daan tayo sa kaligtasan.” panawagan ni Cardinal Tagle
Nakasentro rin ang pagdiriwang sa pagpapalawak ng Debosyon ng Mahal na Birheng Maria lalo’t ang Nuestra Señora De Salvacion ay kilalang patrona ng lalawigan ng Albay sa rehiyon ng Bicol.
Batay sa kasaysayan dinadayo ng mga Deboto ang Diocesan Shrine ng Nuestra Seña De Salvacion sa Joroan, Tiwi Albay tuwing buwan ng Agosto hanggang Setyembre habang tuwing huling Sabado ng Agosto ay isinasagawa ang special day of veneration sa imahe kung saan nagpu-prusisyon ang mga deboto mula St. Lawrence Parish sa bayan ng Tiwi patungong sa Dambana sa Joroan na may 9 -kilometro ang layo.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda ng Parokya ng Birhen De Salvacion sa Sta. Mesa Manila para sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng Parokya sa susunod na taon.