641 total views
Mga Kapanalig, maraming isyung lumutang mula sa isinagawang pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo tungkol panukalang pag-amyenda sa ating Konstitusyon upang maging federál ang porma ng ating pamahalaan. “Star-studded,” ‘ika nga, ang naging pagdinig dahil dinaluhan ito ng mga dating punong mahistrado ng Korte Suprema, mga kasapi ng 1987 Constitutional Convention, at mga bihasâ sa batas mula sa iba’t ibang unibersidad.
Isang lumutang na isyu ang tungkol sa pagboto ng ating mga mambabatas sa mga ihahaing pagbabago sa mga probisyon ng Saligang Batas kung sakaling Constituent Assembly o Con-Ass ang magiging paraan ng pagbabago sa Konstitusyon. May mga nagsasabing dapat na magkahiwalay na bumoto ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at ang mga mambabatas sa Senado. Kalaunan, nanindigan ang Senadong boboto ito nang hiwalay sa Mababang Kapulungan.
Ngunit naging tanong din kung Con-Ass nga ba ang tamang paraan? Sa Con-Ass, ang mga kinatawan natin sa Mababang Kapulungan at Senado ang magpapasok ng mga pagbabago sa Konstitusyon, at sila rin ang magpapasya. Samantalang sa Constitutional Convention o Con-Con, tayo po ang pipili ng mga delegadong susuri at magrerepaso sa ating Saligang Batas. Magastos ang Con-Con ngunit ayon nga kay dating Chief Justice Reynato Puno, hindi dapat tingnan ang pag-amyenda sa Konstitusyon bilang paggasta lamang kundi isang “investment” para sa ating bayan. Kung titingnan naman natin sa lente ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan, ang Con-Con ay sang-ayon sa prinsipyo ng “people empowerment” o pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan. Sa Con-Con, makapipili tayo ng mga taong sa ating pananaw at paniniwala ay mahusay at katiwa-tiwala. Sa madaling salita, mas nakatitiyak tayong maririnig ang ating boses sa Con-Con na bubuuin ng mga taong walang interes sa pulitika. Sabi pa nga sa Second Plenary Council of the Philippines, mahagalang bahagi ng pagpapanibago ng ating bansa ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan; kung wala nito, ang tadhana nating lahat ay maiiwan sa kamay ng iilan.
Subalit ang mas malaking isyung tinalakay sa pagdinig ng Senado ay kung napapanahon na nga bang palitan ang ating napakabata pang Saligang Batas. Nasa unahan ng listahan ng agenda ng administrasyong Duterte ang federalismo, kaya naman masigasig ang kanyang mga kaalyadong mambabatas sa Mababang Kapulungan na mag-Con-Ass na kahit pa walang nagaganap na malalim, masinsin, at matalinong pagtalakay sa charter change o cha-cha.
Kulang ang ating oras, mga Kapanalig, upang talakayin natin ang kaibahan ng unitary at federal forms of government. Kapwa may lakas at kahinaan ang dalawa, at magandang nasimulan ng Senado ang pampublikong talakayan sa mga ito. Ngunit hindi lamang ito usapin tungkol sa mga mabubuti o masasamang maidudulot ng pagpapalit ng sistema ng pamahalaan. Nasa likod ng isyung ito ang tiwala o “trust” sa mga nagsusulong ng cha-cha.
Tanungin natin ang ating mga sarili: pinagkakatiwalaan ba natin ang mga lider nating nais baguhin ang ating Konstitusyon? Gaano kadalisay ang kanilang hangaring palitan ito para sa ikabubuti ng lahat? O baka naman may mga interes silang nais protektahan at magagawa nila ito sa ilalim ng isang federál na pamahalaan? Kung Con-Ass pa ang magiging paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon, pakatandaan natin kung saan galing ang karamihan sa mga mambabatas natin—sa mga political dynasties, sa mga angkang nagmamay-ari ng malalawak na lupain, at sa mga grupong konektado sa malalaking negosyo.
Mga Kapanalig, sa harap ng mga nagtatagisang pananaw tungkol sa cha-cha at federalismo, maging mapanuri tayo. Subaybayan ang mga nagaganap na talakayan tungkol rito upang hindi ito matulad sa TRAIN law na ngayon lang natin natatanto ang mabibigat na epekto dahil hindi tayo umimik noong mainit ang usapan tungkol sa reporma sa pagbubuwis. Kung hahayaan nating umarangkada ang cha-cha, baka magising na lang tayo isang araw na wala nang boses sa pamahalaan ang taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.