479 total views
Kapanalig, ang formal construction sector ng ating bayan ay nakakaranas at makakaranas pa ng paglago sa hinaharap. Magandang balita ito dahil nangangahulugan ito ng mas maraming trabaho para sa karaniwang Pilipino.
Ayon sa report ng Timetric’s Construction Intelligence, isang ahensyang base sa London, ang mga construction activities sa bansa ay lalago pa. Maaring umabot sa $47 billion ang growth rate nito sa 2020 mula sa $30.2 billion noong 2015.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mga 1,464 establishments sa pormal na sektor ng ekonomiya ang kaugnay sa construction activities. 46% ng mga establisemento na ito ay gumagawa ng mga kalye at riles, habang 14.4% ang kaugnay sa building construction habang 12.6% naman ang gumagawa ng mga residential buldings. Tinatayang nasa P414 billion ang kotribusyon ng sektor sa ating ekonomiya.
Ang paglago ng sektor ay nawa’y maging katumbas din ng pagtaas kalidad ng buhay at kasiguruhan sa trabaho ng mga construction workers. Ang pamamayagpag ng sektor ay dahil din naman sa kontribusyon ng mga ordinaryong manggagawa.
Sa ngayon, hindi naman lahat ng manggagawa sa konstruksyon ay nakakatanggap ng minimum wage. Yung iba P300 o mas mababa pa, depende sa karanasan. Maliban pa dito, hindi lahat may social protection gaya ng SSS at iba pang health benefits. Karamihan din sa mga manggagawa ay nasa per-project basis. Pag tapos na ang isang project, wala na ulit trabaho. Ang kanilang kaligtasan ay isyu din sa ilang mga construction sites. Minsan, dahil sa pagmamadali ng pag-gawa, nakakalimutan na ang mga safety precautions.
Kapanalig, ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay mayaman sa pangaral ukol sa karapatan ng mga manggagawa. Una tungkol sa sweldo, kung saan mariin ang paalala ng Rerum Novarum: To defraud anyone of the wage due him/ her is a great crime that calls down avenging wrath from Heaven: Behold, the wages of the laborers . . . which have been kept back by you unjustly, cry out: and their cry has entered into the ears of the Lord of Hosts.
Pina-aalahan din tayo ng Panlipunang Turo ng Simbahan ukol sa karapatan ng manggagawa. Ayon pa rin sa Rerum Novarum: Ang katarungan ay tinatawag tayo, lalo na ang administrasyon, na bantayan ang interes ng manggagawa. Ito ay upang masiguro na sila, na syang malaki ang kontribusyon sa lipunan, ay makabahagi sa benepisyo ng industriya. Kailangan sila ay magkabahay, may damit, at may angking kalusugan upang maingat ang kanilang buhay sa karalitaan at mamuhay ng may dangal.
Maalala nawa natin ang mga pahayag na ito, at udyukin tayo na magbigay pugay at suporta sa mga simpleng manggagawa. Nawa’y makita natin si Kristo, na isa ring karpintero, sa kanilang mga mata.