509 total views
Happy International Women’s Day sa ating mga babaeng Kapanalig!
Dito sa Pilipinas, ang buwan ng Marso ay itinalaga namang National Women’s Month. Layunin ng mga pagdiriwang na itong kilalanin ang tagumpay at ambag ng kababaihan sa iba’t ibang larangan, pahalagahan ang kanilang mga karapatan, at isulong ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian. Higit isang siglo na mula nang simulan ang pagdiriwang ng International Women’s Day, ngunit marami pa ring kailangang gawin upang makamit ang mga nasabing hangarin, lalo na ngayong may pandemya.
Ayon sa report ng UN Women na inilabas noong Nobyembre 2021, isa sa dalawang babae sa buong mundo ang nagsabing sila o may kakilala silang babaeng nakaranas ng pang-aabuso mula nang mag-umpisa ang pandemya. Pito sa sampung babae naman ang naniniwalang tumaas ang kaso ng domestic violence o karahasan mismo sa loob ng tahanan. Tatlo sa limang babae ang naniniwalang tumindi ang sekswal na pang-aabuso sa mga pampublikong lugar sa kabila ng pandemya. Dalawa sa limang babae naman ang nagsabing lumalala ang estado ng kanilang emotional and mental health.
Dito sa Pilipinas, noong 2018, halos 6% ng mga babae edad 15 hanggang 49 ang nagsabing nakaranas sila ng sekswal at/o pisikal na pang-aabuso mula sa kanilang mga dati o kasalukyang kapareha o kinakasama. Patuloy ding mababa ang pakikilahok ng kababaihan sa pamamahala dito sa bansa. Ayon sa Philippine Commission on Women (o PCW), mula 1998 hanggang 2016, hindi pa aabot sa 25% ang mga babae sa kabuuang bilang ng mga naihahalal sa puwesto. Dagdag ng PCW, nakaugat ito sa tradisyunal na paniniwalang ang pulitika at pamamahala ay hindi para sa kababaihan, isang karaniwang punáng madalas nating naririnig ngayon laban sa mga babaeng kandidato sa kabila ng kanilang mahuhusay na track record.
Ang tema ng International Women’s Day para sa taóng ito ay “Break the Bias.” Sa temang ito, lahat ay inaanyayahang pangarapin ang isang mundong malaya sa diskriminasyon, isang mundo kung saan ang lahat ay pantay-pantay, lahat ay malaya, at lahat ay kasama. Ang Women’s Month naman sa bansa ay may temang “Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran”. Ang pagkilala sa mga hangarin at pagtugon sa pangangailangan ng mga babae ay mahalagang bahagi ng daan tungo sa kaunlaran. Sa mensahe ng mga pagdiriwang na ito, binibigyang-diing wala dapat mga babaeng inaabuso, at lahat nabibigyan ng pagkakataong maging bahagi ng kaunlaran.
Katulad ng sinasabi sa Genesis 1:27, ”nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang Niya silang lalake at babae.” Pundasyon ito ng paalala ng mga panlipunang turo ng Simbahang lahat tayo ay may pantay na dignidad dahil sa katotohanang lahat ay nilikhang kawangis ng Diyos. Walang kinikilingang kasarian ang Diyos. Ang mga pagkakaiba-iba ng mga kasarian ay bahagi ng magandang plano ng Diyos. Sa ating pagkakaiba sa ilang katangian at kakayanan, pinupunan natin ang lakas at kahinaan ng bawat isa. Kaya naman maituturing na kalapastanganan sa hangarin ng Diyos ang pang-aabuso, pagsasantabi, at pangmamaliit sa kababaihan. Taliwas ito sa plano Niyang pagtutulungán ng lahat ng tao, anuman ang kanilang kasarian.
Sinabi ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa pagsisimula ng taóng ito, ang pananakit sa kababaihan ay pag-insulto sa Diyos na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng isang babae. Hindi kailanman magiging katatangap-tanggap ang baluktot na paniniwalang mahina ang mga babae o ayos lamang na abusuhin sila, silang mga nagluwal sa atin sa mundo.
Mga Kapanalig, nawa’y maging daan ang International Women’s Day at National Women’s Month upang makibahagi tayo sa pagtataguyod sa dangal at karapatan ng kababaihan. Sama-sama nating pandayin ang isang lipunang may pagpapahalaga at paggalang sa mga babae.