464 total views
Mga Kapanalig, ngayong Araw ng Paggawa o Labor Day, muling binibigyan ng atensyon ang kalagayan ng mga manggagawa, at sa pangkalahatan, marami pa ring hamon ang kanilang kinakaharap.
Sa ating bayan, patuloy ang mga panawagang itaas ang sahod ng mga empleyado sa gitna ng mataas pa ring halaga ng mga bilihin at serbisyo. Bagamat nakinabang ang maraming manggagawa sa TRAIN dahil itinaas nito ang halaga ng sahod na pinapatawan ng buwis kaya’t may mga na-exempt sa pagbabayad ng income tax, hindi naman ito nagdulot ng positibong pagbabago sa mga minimum wage earners na exempted naman na sa pagbabayad ng buwis na ito. Sa katunayan, dehado pa nga ang mga sumasahod nang minimum dahil wala na ngang nadagdag sa kanilang naiuuwi para sa kanilang pamilya, mas nabawasan pa ito dahil sa tumaas nilang gastusin. Paano pa kaya ang mga manggagawang nasa impormal na sektor ng ekonomiya? Nagtatrabaho rin sila ngunit wala namang mga benepisyong katulad ng natatanggap ng mga nasa pormal na sektor ng paggawa.
Nariyan pa rin ang isyu ng contractualization, lalo na ang isang porma nitong kung tawagin ay “endo” o end of contract. Ang mga endo ay may trabaho lamang nang ilang buwan at walang kasiguruhan kung makakukuha sila agad ng trabaho pagkatapos mapasô ang kanilang kontrata. Matatandaang naglabas ng executive order noong isang taon si Pangulong Duterte bilang pagtupad daw sa pangako niyang tutuldukan ang contractualization, ngunit wala naman daw itong halaga para sa mga kilusang manggagawa dahil inuulit lamang nito ang mga ipinagbabawal na ng batas.
At sa pagdami ng mga dayuhang manggagawa sa Pilipinas, partikular na ang mga mula sa China, sinasabing naagawan daw ng trabaho ang mga Pilipino. Sa isang pagdinig ng Senado noong Nobyembre ng nakaraang taon, inamin ng mga opisyal ng Bureau of Immigration na napakarami ngang Tsino ang nabigyan ng special working permit upang makapagtrabaho rito bilang construction workers o mga kahera, mga trabahong kayang-kaya namang gampanan ng mga kababayan nating naghahanap ng trabaho. Nagsulputan din ang mga negosyo ng mga Tsino sa bansa, at ilan sa mga ito ay mga kapwa-Tsino rin ang kinukuhang manggagawa. Halibawa, sa industriya ng Philippine-based offshore gaming operations o POGO at iba pang negosyong nangangailangan ng mga trabahador na marunong magsalita ng Mandarin, tinatayang aabot sa 250,000 na manggagawang Tsino ang narito sa bansa.
Malinaw ang nakasaad sa ating Saligang Batas: “Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at ‘di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.” Dagdag pa rito, “Dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino”, ibig sabihin, mga Pilipino dapat ang unang makinabang sa mga oportunidad sa pagtatrabaho sa sarili nilang bayan.
Kung sapat ang pagtutok ng pamahalaan sa paghikayat ng mga mamumuhunang makapagbibigay ng pangmatagalang trabaho at disenteng hanapbuhay sa mga Pilipino, hindi na siguro pipiliin ng mga kababayan nating makipagsapalaran sa ibang bansa upang makapagtrabaho lamang. May mga hindi na mangangailangang maghanap na dagdag na trabaho para lamang punan ang kakulangan sa kanilang maliit na sinasahod. May mga hindi na kakapit sa patalim para lamang may maipambili ng pagkain para sa kanilang pamilya. Hindi siguro aabot sa halos 10 milyong Pilipino, ayon na rin sa SWS, ang walang trabaho.
Mga Kapanalig, gaya ng itinuturo sa atin ng Catholic social teaching na Laborem Exercens, mabuti para sa tao ang gumawa dahil hindi lamang nito pinayayabong at pinayayaman ang mundong ipinagkaloob ng Diyos, natutupad niya ang kanyang pagiging tao at sa ganitong paraan, higit siyang nagiging tao. Samakatuwid, ang kawalan ng trabaho ay paglabag sa dignidad ng tao.
Sumainyo ang katotohanan.