2,327 total views
Ito ang paksa ng pagninilay ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa pinangunahang Misa para sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.
Sa ginanap na banal na Misa sa Sto. Domingo Church sa Quezon City, sinabi ni Archbishop Villegas na ang dugong dumadaloy sa bawat nilalang ay patunay ng pag-ibig ng Diyos at nangangahulugang dapat higit na bigyang-pagpapahalaga ang kasagraduhan ng buhay.
Inihalimbawa ng arsobispo ang pag-aalay ng buhay ng Panginoong Hesukristo kung saan dumanak ang dugo para sa katubusan ng kasalanan ng sanlibutan.
“Ang dugo ni Hesus ay para sa mundo. Ang dugo ni Hesus ay para sa walang hanggan. Ang dugo ni Hesus ay buhay para sa mga patay. Ang dugo ni Hesus ay hamon na maghandog din tayo ng buhay para sa kapwa,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Villegas.
Iniugnay naman ito ni Archbishop Villegas sa pag-aalay ng buhay ni Ninoy Aquino upang makamtan ng bawat Filipino ang kasarinlan mula sa madilim na panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Pagbabahagi ng arsobispo na Agosto 21, 1983, 40 taon na ang nakalilipas, nang dumanak ang dugo sa pinaslang na senador sa tarmac ng noo’y Manila International Airport (ngayo’y Ninoy Aquino International Airport), matapos na barilin ni Rolando Lagman.
Binigyang diin ni Archbishop Villegas, na noo’y seminarista pa lamang, na ang pangyayaring ito ang nagbunsod sa mapayapang himagsikan ng mga Filipino upang makalaya ang Pilipinas sa malupit na pamumuno ng diktaduryang Marcos, Sr.
“Nagising na kami. Hindi na kami babalik sa dilim. Hindi na pipikit. Hindi ka nag-iisa. ‘Yun ang binhi na ipinunla sa tarmac na namunga nang mapayapang pagbabago sa EDSA People Power 1986. Walang namatay at pinatay sa EDSA People Power. Hinayaang tumakas na buhay ang diktador. Ang dugo sa tarmac ay bumangon, lumipad, at tumimo sa puso ng Pilipinong nagising at ayaw nang pumikit pang muli,” saad ng arsobispo.
Higit isang libong mga tagasuporta ng yumaong senador ang nakibahagi sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanyang kamatayan, kung saan nagsagawa muna ng motorcade mula Baclaran Church sa Parañaque patungong Sto. Domingo Church sa Quezon City.
Kasama ni Archbishop Villegas sa banal na pagdiriwang sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; Cubao Bishop Honesto Ongtioco; Novaliches Bishop Roberto Gaa; Parañaque Bishop Jessie Mercado; at Antipolo Bishop Emeritus Francis de Leon.
Dumalo rin sa pagtitipon ang pamilyang Aquino sa pangunguna nina Balsy at Viel, gayundin sina 1986 Philippine Constitutional framer at dating Associate Justice Adolfo Azcuna; dating Senate President Franklin Drilon; dating bise-presidente Leni Robredo; dating senador Kiko Pangilinan; dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno; at Liberal Party secretary-general Teddy Baguilat.