344 total views
Mga Kapanalig, dalawang linggo na ang nakalipas nang isang lider-manggagawa sa Canlubang, Laguna ang walang habas na pinaulanan ng bala. Siya si Dandy Miguel, ang karagdagan sa napakahabang listahan ng mga aktibistang pinatay.
Ayon sa human rights group na Karapatan, nasa 30 aktibista sa Timog Katagalugan ang napapatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Sa tala naman ng Commission on Human Rights o CHR, mayroon nang 130 aktibista ang napapatay mula nang manungkulan si Pangulong Duterte hanggang noong ika-7 ng Marso na tinaguriang “Bloody Sunday” kung saan siyam na aktibista ang napatay sa sabay-sabay na operasyon ng kapulisan laban daw sa mga komunista sa iba’t ibang probinsya sa Timog Katagalugan. Karamihan sa mga aktibistang napatay sa “Bloody Sunday” ay mga kasamahan ni Dandy Miguel sa pakikibaka. Sa katunayan, katuwang si Dandy Miguel ng mga naulilang pamilya ng mga biktima ng “Bloody Sunday” sa pagsasampa ng kaso laban sa mga pulis. Ngunit matapos ang madugong pangyayari noong ika-28 ng Marso, kasama na siya sa ipapanawagan ng hustisya.
“Sahod, trabaho, karapatan, ipaglaban.” Ito ang panawagan ni Dandy sa damit na kanyang suot nang pinaslang siya. Balot man ng dugo, hindi maikakaila ang maigting niyang hangarin na isulong ang karapatan ng mga manggagawa. Miyembro si Dandy ng mga samahang nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan kung saan gawain niyang mag-document ng iba’t ibang porma ng labor rights violations sa mga industrial zones sa rehiyon. Boses siya sa panawagang itaas ang minimum wage at tapusin ang “endo” o kontraktwalisasyon. Lider din siya ng unyon ng mga manggagawa sa Fuji Electric Company sa Laguna kung saan pinangunahan niya ang negosasyon sa pamunuan ng kumpanya upang magkaroon ng health and safety measures ang mga manggagawa sa kasagsagan ng pandemya. Matagumpay din nilang naisulong ang collective bargaining agreement sa kumpanya upang madagdagan ang minimum wage ng mga manggagawa ng ₱40 noong 2020 at ngayong 2021, at ₱50 sa 2022.
Sa kasamaang palad, hindi na maipagpapatuloy ni Dandy ang lahat ng gawaing ito. Nawalan hindi lamang ang kanyang pamilya ng isang kaanak kundi pati ang maraming manggagawang umaaasa kay Dandy.
“Huwag kang papatay.” Paulit-ulit na nating naririnig ang paalalang ito mula sa Exodo 20:13, ngunit tila naging manhid na ang ating bayan sa panaghoy na ito. Malinaw ang mga turo ng Simbahan sa kasagraduhan ng buhay ng tao. Ang bawat isa ay nilalang na kawangis ng Diyos at ito ay nakatuntong sa walang maliw Niyang pag-ibig sa atin. Hindi kailanman magiging tamang pumaslang ng tao, anuman ang paniniwala o ipinaglalaban nila sa buhay.
Si Dandy, bilang lider ng mga samahan at unyong-manggagawa, ay bahagi ng mahalagang misyon ng Simbahan para sa isang makatarungang buhay-paggawa. Naninindigan ang mga panlipunang turo ng Simbahan na ang mga unyon o anumang porma ng mapayapang sama-samang pagkilos upang maisulong ang karapatan ng mga manggagawa ay mahalagang parte ng pagtatayugod ng katarungang panlipunan. Ang ambag ng mga unyon at lider-manggagawa ay mahalaga sa pagpapanday natin ng isang mas makatao at maka-Diyos na lipunan. Tulad nga ng sabi ni Pope Francis, “walang mabuting lipunan kung walang mabubuting unyon.”
Mga Kapanalig, ang pakikibahagi sa mga unyon o mga samahang nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa ay isang porma ng aktibismo, hindi terorismo. Marami sa mga karapatan natin ngayon ay nakamit natin dahil sa pagpupunyagi ng mga aktibista. Ang pagpatay sa kanila ay isang tahasang pagyurak sa dignidad ng tao. Ito rin ay pagkakait ng pagkakataong maipanawagan ang mga karapatang ipinagdadamot ng mga kasalukuyang istruktura ng lipunan sa mga naisasantabi sa lipunan. Sa patuloy na pagdanak ng dugo ng mga aktibista, nawa’y piliin nating maging boses nila.