3,699 total views
Matuturing na rin na tila isang mabilis na nakakapanghawang sakit ang fake news. At sa dami at lalim ng pagkalat nito sa ating lipunan, mala-epidemya na rin ang epekto nito.
Ayon nga sa isang survey ng SWS, tinuturing na ng halos 70% ng mga Filipino na seryosong problema ang paglaganap ng fake news sa internet. At sa gitna ng paglaganap nito, 51% sa kanilang nasurvey ay hirap kilalanin ang fake news.
Kapanalig, ang fake news ay isa sa mga pinaka-malaking kalbaryo ng ating panahon. Ang dami dami ng nagkakalat ng fake news sa loob at labas ng ating bansa. Ang nakakalungkot, ang dqami dami ding naniniwala agad dito. Saan na napunta ang ating kakayahang manuri?
Ang paglipana ng fake news, kapanalig ay may kaugnayan din sa pagdeteriorate o unti-unting pagkabulok ng ating moral values at pag-uugali. Ngayon nga, nararamdaman natin na pagdating sa politika, ang pagkakalat ng mga fake news na nakakasira sa karibal sa pwesto ay tila SOP o standard operating procedure na. Kasama na, ika nga, sa kalakaran.
Kapanalig, habang patuloy nating pinapayagan ang paglipana ng fake news, binibgyan natin ng clout at plataporma ang mga pasimuno o influencers ng kasinungalingan. Binibigyan natin ng kredibilidad ang mga taong intensyonal na naglulunsad ng fake news – mga balitang hindi totoo, at maari nating patunayan na hindi totoo kuung mag-eeffort lamang tayo ng konti upang suriin nito.
Ang kababawan ng ating pang-unawa sa epekto ng fake news ang isa sa mga rason kung bakit natin hinahayaan nating kumalat ito. Sa atin kasi, okay lang ang fake news kung ito ay pabor sa ating paniniwala o mga manok sa pulitika. Kapag hindi pabor sa atin ang fake news, saka lamang natin ito hindi i-sha-share, diba? Hangga’t nire-reinforce o pinagtitibay ng fake news ang ating mga paniniwala at mga kandidato, pinaka-pakalat pa natin ito. Kahit pa below the belt na ang kasinungalingan; kahit na absurd o hindi kapani-paniwala ang balita; kahit na binabastos na ang tao, babae man o lalake. Hangga’t pabor sa atin, okay lang ang fake news.
Kapanalig, mali ito. Ang fake news ay mali. Ang fake news ay parang sakit – pumapatay ng tao, pumapatay ng lipunan, pumapatay ng ating isip at kaluluwa. Kapanalig, ma-fake news ka lamang ng NPA ka, pwede ka ng mabansagang terorista. Ma fake news ka lamang na may scandal ka, mababastos ka na, at maari ka pangng ma-target ng physical o sexual assault kapag lumabas ka. Noong unang bugso nga ng pandemya diba, ma-fake news ka nga lang na may COVID-19, kahit na mahimatay sa kalye, hindi ka na agad tutulungan ng mga tao. Ang masakit, ang fake news ay paulit ulit na lumalabas sa social media, at habang laganap ito, nagkakaroon ng illusory-truth effect kung saan kahit alam na ng tao na fake news ito noong una pa lamang, tumatatak na sa ating isipan ang mga ito. At dahil sa paulit-ulit nating nakikita, pakiramdam natin ay totoo na ito.
Umu-ulit lamang, hindi ba, ang kasaysayan? Tinanong ni Pilato noon – Ano ba ang katotohanan? At kahit pa walang nakitang basehan upang kasuhan o parusahan si Hesus, pinili pa rin ng tao na ipako siya sa Krus.
Kapanalig, pumanig tayo sa katotohanan. Lalo na ngayong eleksyon. Puksain natin ang mga ilusyon at ikalat ang katotohan, dahil ayon nga sa Fides et Ratio: Once the truth is denied to human beings, it is pure illusion to try to set them free. Truth and freedom either go together hand in hand or together they perish in misery.
Sumainyo ang Katotohanan.