171 total views
Mga Kapanlig, noong isang linggo, tinapos ni Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defense (o DND) ang higit tatlong dekadang kasunduan sa pagitan ng kanyang kagawaran at Unibersidad ng Pilipinas. Batay sa kasunduang iyon, hindi maaaring pumasok o magsagawa ng operasyon ang mga sundalo at pulis sa loob ng unibersidad nang hindi nakikipag-ugnayan sa administrasyon ng unibersidad. Ang 1989 UP-DND Agreement ay produkto ng mahabang kasaysayan ng ating pagkatuto mula sa Martial Law at karahasang dulot nito sa mga mag-aaral at propesor na kritikal sa diktaduryang Marcos.
Ayon kay Secretary Lorenzana, nagiging “safe haven” na raw ang UP ng mga tinawag niyang “enemies of the state.” Ang pagtapos sa kasunduan ay isa raw hakbang upang tapusin ang insurgency sa bansa. Naniniwala ang DND na ginagamit ng mga komunistang grupo ang unibersidad upang manghikayat ng mga kabataang sumapi sa kanila. Batay ito sa listahan ng DND ng mga estudyante mula sa UP na napatay sa mga engkwentro ng sundalo at mga komunista sa kanayunan. Layunin din daw ng pagtatapos ng kasunduan na protektahan ang mga estudyante mula sa mga recruiters ng New People’s Army (o NPA).
Ikinadismaya ng marami ang unilateral termination ng kasunduan. Para kay UP President Danilo Concepcion, hindi kinakailangan at hindi kanais-nais ang naging hakbang ng DND na hindi man lang kumonsulta sa unibersidad. Dagdag pa niya, maaari itong makasira sa ugnayan ng dalawang institusyon, at magdulot nang higit na kaguluhan at kawalan ng tiwala ng komunidad ng UP sa mga mga pulis at sundalo. Wala rin daw inilatag na malinaw na hakbang ang DND sa pagtatapos ng kasunduan upang masigurong mapananatili ang proteksyong iginagawad ng kasunduan.
Nabahala rin ang iba’t ibang presidente ng UP campuses, mga organisasyon, at konseho ng mga mag-aaral at alumni ng unibersidad, maging mga propesor at samahan mula sa ibang unibersidad. Nangangamba silang maaaring masikil ang academic freedom dahil sa takot na idudulot nito sa malayang talakayang mahalaga upang mahubog ang kritikal na kaalaman at kamalayan ng mga estudyante. Maaari ding magkaroon ng mga hadlang sa mga mapayapang kilos-protesta sa unibersidad na humihikayat sa aktibong pakikilahok ng mga kabataan at propesor sa buhay ng ating bayan.
Sinasabi ng panlipunang turo ng ating Simbahan na ang kalayaan ay naigagalang kung ang bawat tao ay napahihintulutang kamtin ang kanyang bokasyon, hanapin ang katotohanan, ipahayag at sundin ang kanyang mga paniniwala at opinyon, nang naayon sa kabutihang panlahat at napapanatili ang kaayusan. Kaugnay nito, palatandaan din ng kalayaan ang kakayahang maghayag ng pagtanggi sa anumang maaaring humadlang sa kanyang kaunlaran at ng kanyang pamilya at bayan. Samakatuwid, ang kalayaan ng may paggalang sa kabutihang panlahat ay mahalaga upang maitaguyod ang dignidad ng bawat tao at ng kanyang lipunang ginagalawan.
Kaya naman, hindi makatuwiran na ilagay sa alanganin ang academic freedom, freedom of expression at freedom to peaceful assembly na malago sa UP (at marami pang unibersidad sa bansa) para sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga komunistang grupo. Sa katunayan, ang kahirapan at kawalang-katarungan—hindi ang malaya at kritikal na mga diskusyon o mga mapayapang kilos-protesta—ang maaaring mag-udyok sa mga kabataang umanib sa mga rebeldeng grupo. Kaya ang pinakaepektibong hakbang upang tuldukan ang insurgency sa bansa ay ang tugunan ang kahirapan at pairalin ang katarungan sa ating bayan.
Mga Kapanalig, hindi yayabong ang kalayaan ng tao kung balót siya ng takot. Ang mga unibersidad ay mahahalagang lugar upang linangin ng mga kabataan ang kanilang kamalayan at isabuhay ang kanilang kalayaan. Kinakailangang maibigay sa kanila ang espasyong ito sapagkat, gaya nga ng nasasaad sa Galacia 5:13, “tinawag tayo upang maging malaya… nang makapaglingkod sa isa’t isa sa diwa ng pag-ibig.”