224 total views
Mga Kapanalig, ilang araw bago ilahad ni Pangulong Duterte ang kalagayan ng ating bansa sa kanyang ikatlong SONA, ipinasa sa kanya ng Consultative Committee (o Con-Com) ang isang draft Federal Constitution na pag-aaralan ng Kongreso upang ipalit sa kasalukuyan nating Konstitusyon. Umuusad na nga ang pagsusulong ng federalismo bilang bagong porma ng pamahalaan, at dapat nating tutukan ito.
Gayunman, maliban sa pagsusuri sa nilalaman ng nasabing draft, marapat din nating suriin: sulit nga ba ang igugugol ng pamahalaan upang makatawid tayo patungo sa isang federál na pamahalaan?
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS batay sa mga naunang panukalang Konstitusyon, gagastos ang pamahalaan ng karagdagang 44 bilyon hanggang 72 bilyong piso bawat taon upang suwelduhan ang mga bagong opisyal. Lumalabas nga sa draft Constitution ng Con-Com na sa Senado lamang, magiging 32 na ang magiging senador, samantalang hindi lalampas sa 400 ang magiging miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Sa sangay ng hudikatura, hindi na lamang iisa kundi magiging apat ang federal courts na may 9 hanggang 15 mahistrado bawat isa. Paglilinaw pa ng pag-aaral ng PIDS, hindi pa kasama sa halagang kanilang tinantiya ang gagastusin para sa pagpapatakbo ng mga bagong departamento sa mga rehiyon; tandaan natin, mga Kapanalig, na sa federalismo, ang bawat federated region ay magkakaroon ng kani-kaniyang mga kagawaran gaya ng DepEd, DOH, at DSWD.
Hindi biro ang halagang kakailanganin para sa isang pagbabagong ayon sa ilan ay hindi naman napapanahon. Tiyak na sa buwis ng mga mamamayan kukunin ang gagastusin para sa pagpapalit ng porma ng pamahalaan, ngunit ngayong hindi pa nga tayo nagiging federál, sobra na ang paghihigpit ng sinturon ng mga Pilipino para lamang matustusan ang mga hindi pa rin naisisimulang infrastructure projects ng administrasyon. Paano pa kaya kapag tatawid na tayo sa isang federál na pamahalaan? May matitira pa kaya sa bulsa nina Juan at Juana?
Salamin ang agresibong pagsusulong ng federalismo ng kung paano ilatag ng administrasyong Duterte ang mga prayoridad nito. Handa itong gumastos ng bilyun-bilyon para sa pagpapalit ng porma ng pamahalaan, ngunit handa rin kaya itong gumastos para sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan?
Tingnan na lamang natin ang kalagayan ng mga kababayan natin bilangguan. Kamakailan, napabalita ang pagkamatay ng isang bilanggo sa Manila City Jail dahil sa umano’y flesh-eating bacteria. Dahil naman sa pagtaas ng bilang ng mga ikinukulong bunsod na rin ng giyera kontra droga ng pamahalaan, siksikan na ang mga bilangguan at marami nang naitalang namatay sa sakit sa puso at sa baga. Ayon sa Commission on Audit, lampas nang mahigit 600% ang kapasidad ng maraming kulungan sa bansa—hanggang 20,000 lamang ang kapasidad ng mga bilangguan natin ngunit noong 2017, umabot na ito nang halos 150,000. Bagsak ito batay sa United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners at sa mismong panuntunan ng Bureau of Jail Management and Penology. Hindi makatao ang kalagayan ng ating mga kapatid sa bilangguan—hindi ba’t sila ang mas nangangailangan ng malaking pondo ng pamahalaan dahil, sa kabila ng kanilang nagawang kasalanan, mga tao silang may dignidad?
Mga Kapanalig, binibigyang-diin sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan ang tinatawag nating “moral function” ng isang pamahalaan, at ito ay ang pangalagaan ang karapatang pantao ng mga mamamayan at ang pagtatatag ng katarungan sa lipunan. Ngunit umuusbong ang obligasyong ito sa ating mga mamamayan dahil tayo ang pumipili ng mga magpapatakbo ng ating pamahalaan. Kaya’t kung pinabababayaan ng pamahalaan ang mga mamamayang nasa kalunos-lunos na kalagayan gaya ng mga bilanggo, samantalang handa itong magbuhos ng pondo sa federalismo, ano ang sinasabi nito sa atin bilang isang bayan? Marahil, nakatanaw tayo sa malayo samantalang nasa harapan na natin mismo ang mga nangangailangan.
Sumainyo ang katotohanan.