523 total views
Kapanalig, nalalapit na naman ang Translacion.
Kada Enero 9, libo libong mga Filipino ang napunta sa Quiapo nang naka-paa at naka-maroon na kulay ng kamiseta. Lahat sila ay mga deboto ng San Nazareno. Kadalasan, ang debosyon na ito ay sinalin sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngayon, sinasalin na ito sa kanilang mga anak.
Bagaman marami sa mga deboto ng Nazareno ay may kaya at may pangalan na sa lipunan, hindi natin makakaila na marami rin sa kanila ay kasama sa maralitang sektor. Tulad ng debosyon sa San Nazareno, ang kanilang kahirapan ay nasalin rin sa mga sumunod na herenasyon.
Sa ngayon, mga 26 milyon ang mga Filipinong naghihirap, at kalahati nito ay hindi kayang tustusan ang gastos nila kahit sa pagkain lamang. Ito ang realidad ng buhay ng marami sa ating mga Filipino.
Kapanalig, si Kristo, ang hari ng maralita, ay hindi nagnais na mabuhay ng salat ang mga Filipino. Hari siya ng maralita hindi dahil nais niyang maging mahirap ang tao, kundi dahil naglalakbay siya at sinasamahan tayo tungo sa kaganapan ng ating pagkatao. Ito ang ehemplo ng Nazareno: ang samahan ka kahit ano pa man ang pinagdadaanan mo ngayon, tungo sa ginhawa.
Ang ehemplong ito ang ating nakakaligtaang sundan pagkatapos ng Translacion. Tuwing pista, tabi tayo sa init at sikip, mayaman man o mahirap. Pag tapos nito, kanya-kanyang uwi. Yun iba, tungo sa kanilang air-conditioned na bahay, yung iba, tungo sa kanilang barong-barong. Hanggang Quipao lamang ang ating pagiging magka-alakbay.
Kapanalig, ang ating pananalig ay hindi lamang dapat mapako at maiwan sa prusisyon. Ang ating pananalig ay dapat tumulak sa atin, maralita man o mayaman, na kumilos. Ito ang faith in action. Panahon na upang maging kongreto ang ating debosyon. Huwag nating sayangin ang simbolo ng Nazareno sa taunang Tranlasion lamang. Hindi nararapat na minsan sa isang taon lamang nating sinasabuhay ito ngunit tila nililimot sa mga ordinaryong araw.
Kaya’t sana ngayong taon, mag-iba na. Sana ngayong taon, ang Translacion ay maging way of life nating mga Filipino, hindi lamang tradisyon.
Ang Evangelii Gaudium ni Pope Francis ay may mahalagang aral na maaring makatulong sa atin upang maging tunay na kaalakbay ng isa’t isa: “Ang bawat isa sa atin ay tinatawag na maging instrumento ng kalayaan ng maralita upang tunay silang makalahok sa lipunan… Ang salitang solidarity, gasgas man o luma na, ay hindi natin tunay na nauunawaan. Ito ay hindi lamang paminsan-minsang pagbubukas palad. Ito ay pagbabago ng pananaw. Ito ay ang pagpapalawak ng ating kaiisipan upang yakapin ang kapwa at unahin ang buhay kaysa pera.”