813 total views
Homily for Memorial of San Roque, Tues 16 August, 2022,
Mt 25, 31-40
May mga video ngayon tungkol sa isang sikat na barbero sa New York, lumalabas siya pag day-off niya sa mga kalsada para magpakain ng mga homeless at mabigyan sila ng libreng gupit at disenteng bihis. Sa dulo ng video ang highlight ay ang bagong itsura ng mga taong ito matapos na sila’y magupitan at mabihisan. Mula sa pagiging mukhang taong grasa, parang biglang bumabata sila.
Ganyan din siguro si San Roque kung gugupitan at aahitan ng balbas, lilitaw ang tunay niyang itsura. Ang dating akala nating isang matandang ermitanyo ay isang kabataan pala, baka mas bata pa ang itsura kaysa sa mga sakristan natin. Di ba nasabi ko last year—beinte anyos lang siya nang magsimula siyang maging peregrino, at trenta’y uno anyos lang siya nang mamatay. Mas bata pa siya nang kaunti kaysa edad ni Hesus nang maipako sa krus.
Ang madalas itanong tungkol sa kanya ay ito, “Bakit tinalikuran niya ang minana niyang kayamanan at kapangyarihan matapos na mamatay ang mga magulang niya?” Tipikal na kwento ito ng mga peregrino: naghahanap sila ng kahulugan sa buhay nila. Kahulugan na hindi nila makita sa kayamanan, kapangyarihan at katanyagan.
Ang tunay na hinahanap ni San Roque ay si Kristo. Ang destinasyon sana niya ay Roma para sumunod sa yapak ni St Francis of Assisi na tumalikod din sa makamundong kayamanan upang maging alagad ni Kristo. Pero hindi siya nakaabot doon. Bakit? Naudlot kasi ang paglalakbay niya dahil sa isang epidemya na naging pandemya. Imbes na umiwas sa mga tinatamaan ng salot, nagvolunteer siya na tumulong para dalhin ang mga biktima sa Ospital ng San Juan, hanggang sa siya mismo ay nahawa din.
Darating ang panahon babalik-tanawin natin ang naranasan nating pandemya at sigurado ako aaminin natin na naging exaggerated ang reaksyon natin sa Covid 19. Kung sa kabila ng katotohanan na ang swerte nga natin dahil sa modern science at medicine ganoon pa rin ang reaksyon natin sa virus na ito, sila pa kaya noong mga panahong iyon?
Wala pa silang alam noon tungkol sa ganyang mga sakit. Ang tingin nila ito’y parusa. Isipin mo kung maysakit ka na nga iiwasan ka pa di lang dahil maaari kang makahawa, kundi dahil akala nila may dala kang sumpa na parusa para sa pagkakasala.
Nakita ba ni San Roque ang hinahanap niya bilang peregrino? Ang susi sa pagsagot sa tanong ay ang binasa nating ebanghelyo. Galing sa Mateo 25, na makikita ninyong nakapaskel dito sa loob ng ating catedral sa likod ng imahen ng Poong Nazareno. Sinadya ko talagang iugnay ang Nazareno sa Mateo 25 upang makita ng mga deboto ang tunay na kahulugan ng kanilang debosyon. Ang pagdurusa ng manunubos ay nagpapatuloy pa rin sa pagdurusa ng mga dukha at mga nasasantabi ng lipunan.
Kaya nagpagawa ako ng pitong paintings na may kasamang kahon ang bawat isa: pagkain sa nagugutom, abuloy sa mga namatayan, kalinga sa mga maysakit, pagdalaw sa mga bilanggo, tahanan para sa mga palaboy, atbp. Ibig kong mangusap ang Nazareno sa mga ibig tumulong at makipasan sa krus niya. Para marinig nila sa Panginoon, “Gusto mo akong alalayan? Huwag ako ang alalayan mo, kundi ang mga walang-wala sa daigdig na ito.” Dahil anuman ang gawin mo para sa pinakahamak sa mga kapatid ko ay ginawa mo para sa akin.
Ito ang naging inspirasyon ng Jesuit composer ng liturgical music sa ginawa niyang kantang Hesus na aking kapatid.
“Hesus na aking kapatid
Sa lupa nami’y bumalik
Iyong mukha’y ibang-iba
Hindi kita nakikilala”
Si San Roque man, nang bumalik sa kanyang sariling bayan ay hindi na raw nakilala ng sariling mga kamaganak. Siguro dahil napakarami niyang nakatagpong mga maysakit, nagdurusa at namamatay, parang gumuhit sa mukha niya ang anyo nila. Di ba si Mother Teresa ganyan din? Napuno ng kulubot ang mukha niya. Parang nakuba siya sa pakikibitbit sa mabibigat na pasanin ng mga dukha.
Si San Roque naman ay napagbintangan pa na isang espiya, nakulong at namatay sa bilangguan. Nakilala lang daw siya dahil sa marka sa katawan niya. Di ba si St Francis, dinala din niya sa katawan niya ang mga marka ng pagdurusa ni Hesus? Ang tinatawag na stigmata?
Parang inulit ni San Roque ang kwento ng Panginoon ayon sa ulat ni San Juan, “Dumating siya sa sariling bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sariling mga kababayan.”
Sa kwento ng dalawang alagad na tumatakas patungong Emmaus, unti-unti daw na nakilala ng dalawa ang kanilang kalakbay. Una, sa pakikinig sa kanyang kuwento habang daan—ang salita daw niya ay parang nag-aapoy sa kalooban nila. Pangalawa, sa pakikisalo sa kanya sa mesa, nabuksan daw ang kanilang mga mata at sa wakas, nakilala siya. Ngunit pagkatapos, naglaho naman siya. Ang nagpakita ay nawala dahil ngayon, ang nakakita sa mukha niya ay magpapakita naman ngayon ng kanyang mukha sa sarili nilang katauhan bilang kanyang bagong kinatawan.
Kaya ang panalangin natin sa Misang ito, tayong nakinig sa kanyang salita at makikisalo din sa kanyang hapag ay ang refrain ng kanta ni Fr Hontiveros:
“Tulutan mo’ng aking mata
Mamulat sa katotohanan
Ikaw, Poon makikilala
Sa taong mapagkumbaba”