277 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay, ika-12 ng Mayo 2022, Jn 13:16-20
Ewan kung kailan ba nagsimulang magtawagan ng PANYERO/PANYERA ang mga abogado sa isa’t-isa. Ang salitang ito ay galing sa Espanyol na salitang COMPAÑERO, na galing din sa dalawang katagang Latin: CUM, ibig sabihin “kahati o kabahagi,” at PANIS, ibig sabihin “sa tinapay.”
Sa ebanghelyong binasa natin, negatibo ang dating nito. Ang tinutukoy na kumpanyero ay si Hudas. “Ang kumpanyero ko, o kahatian ko ng tinapay, ang siya palang magtataksil sa akin.” O sa ordinaryong salita, ang tumanggap sa inalok kong tinapay ang siya palang manghu-Hudas sa akin.
Ang konteksto ng pagbasa ay ang Huling Hapunan ni Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Kahuhugas pa lang niya ng kanilang mga paa, bagay na ikinabigla nilang lahat dahil wala namang guro o amo na gagawa ng ganito. Ang gumagampan ng ganoong gawain ay mga alipin lamang.
Nabanggit ko ito sa homiliya ko noong nakaraang Huwebes Santo. Usually, galante na dating ng maybahay kapag ipinaghanda niya ng tubig ang kanyang bagong dating na mga bisita para hugasan ang sariling mga paa nila pagpasok ng mga ito sa bahay. At ang pinaka-lubos sa pagkagalante ay kapag kumuha pa siya ng alipin na maghuhugas ng mga paa nila. Pero nang gabing iyon ng Huling Hapunan, si Hesus mismo ang naghugas sa kanilang mga paa. Inexplain din niya pagkatapos na ito’y para maintindihan daw nila ang tunay na kahulugan ng pagiging pinuno—ang pagiging UTUSAN, hindi bossing. (Magandang paalala ito sa mga bagong halal na kandidato.)
Bakit kinailangan pa niyang gawin ito? Dahil ang pinakamadaling pasukin ni Satanas ay ang mga taong nahuhumaling sa kapangyarihan, katanyagan at kayamanan, katulad ni Hudas Iskariote. Saan ba siya dinala ng mga paa niya, matapos na siya ay mahugasan? Saan pa, edi doon sa madilim na pasilyo kung saan siya tumanggap ng bayad para sa kanyang pagtataksil?
Tatlumpung pirasong pilak, bilang kapalit ng pagpapailalim ni Hudas ng sarili niya kay Satanas. At si Satanas naman, tuwang-tuwa. Panalo kasi siya; talo si Hesus. Nagpiyesta siya nang makitang napako sa krus si Hesus, namatay at nalibing. Tagumpay siya…iyon ang akala niya.
Ang laki ng pagkakamali niya. Paano kaya siyang mananalo kung hindi naman siya ang script-writer ng kuwento? E hindi pa pala iyon ang katapusan ng kuwento! Sabi ni Hesus, “Kapag nangyari na ang lahat ng ito, noon ninyo matatanto na AKO’Y SI AKO NGA!” Si “AKO NGA,” ibig sabihin, ang Diyos ang script-writer, hindi si Satanas. Kaya sa Diyos pa rin ang huling halakhak.
Pagsisisihan ng mga Hudas ang pagtanggap nila ng tatlumpung pirasong pilak bilang kapalit sa kaluluwa nila. Hindi nila alam na ang tubig na humugas sa kanilang mga paa, at ang tinapay na pinagsaluhan nila, ito ang magliligtas sa kanila. Hindi si Satanas kundi ang korderong isinakripisyo sa katayan ang talagang babangon muli upang tuldukan na ang pamamayani ng kadiliman at upang kalagin ang tanikalang nakagapos sa mga isip at puso ng mga alagad. Siya rin ang magkakalag sa lubid na nakatali sa nakabitin na Hudas. At ito ang gagamitin niyang pantali sa makamandag na bibig ng sinungaling na ahas, at titigpas sa traydor nitong ulo, upang hindi na niya pamunuan pang muli ang sanlibutan.