1,721 total views
Kadalasan, ating kina-kasingkahulugan ang pagiging mahirap sa kakulangan o kawalan ng pera lamang. No income equals poverty, sa madaling salita. Ang ganitong depinisyon ay masyadong simplistic, kapanalig. Bina-balewala nito ang iba-ibang anyo ng kahirapan. Importante na makita natin ang iba ibang facets o mukha ng kahirapan, lalo ngayong panahon ng pandemya kung kailan tinatayang mga 75 hanggang 80 milyong Asyano ang naitulak sa sukdulang kahirapan o extreme poverty.
Mas magiging targeted ang ating approach sa pagsugpo ng kahirapan kung alam natin ang tunay na itsura nito. Ang kahirapan, kapanalig, ay sakop hindi lamang ang kawalan ng kita, kundi ang kawalan ng access sa kalusugan, sa edukasyon, sa mga serbisyong pampubliko, at sa antas ng kabuhayan na nagbibigay dignidad sa ating pagkatao.
Marami tayong kababayan ang may kita naman kahit papaano, mga kapanalig. Halimbawa ay ang mga mali-liit na informal workers na isang kahig, isang tuka. May kita man sila na minsan ay lumalampas sa poverty line depende sa benta, pero marami pa ring serbisyo ang hindi nila abot-kamay. Marami sa kanila, kulang ang access sa edukasyon. Ang mga nangangalahig, halimbawa, may konting kita pero hindi makapag-aral, lalo ngayong may health outbreak. Marami sa kanila, walang access sa internet o sa gadget.
Marami rin tayong kababayan ang kumikita kahit minimum wage kada araw, pero marami sa kanila ay walang access sa disenteng pamamahay. Marami sa kanila nakatira sa mga slum settlements, sa mga high-risk o mga mapanganib na lugar. Ang minimum wage ay hindi sapat sa karaniwang pamilya, at lalong hindi sapat para sa disenteng pamamahay. Maraming Filipino, kahit may kita pa sila, ay walang matinong tahanan.
Isa pang mukha ng kahirapan, kapanalig, na kailangan natin tugunan ay ang kawalan ng access sa abot-kayang kalingang pagkalusugan. Kahit nga middle class na pamilya sa ating bansa, madaling maging halos pulubi kapag nakaranas ng matinding sakit ang isang kapamilya. Ang mga cancer at chronic disease treatments sa ating bansa ay napakamahal. Hindi din lahat ay may access sa maayos na nutrisyon na nagpapalakas ng ating resistensya. Mas mura ang hindi masustansyang pagkain gaya ng junk food o softdrinks kaysa sa mga pagkaing pampalusog.
Napakahalaga kapanalig, na mabuksan natin ang ating mga mata sa tunay na mukha ng kahirapan. Hangga’t hindi natin magagawa ito, mababaw lamang ang magiging epekto ng ating mga poverty alleviation programs. Hangga’t hindi natin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng kahirapan, hindi natin tunay na nadadamayan o natutulungan ang maralita. Ayon nga sa Gaudium et Spes: Human persons have a sublime dignity; they stand above all things and their rights and duties are universal and inviolable. They ought, therefore, to have ready access to all that is necessary for living a genuinely human life: for example, food, clothing, housing, … the right to education, and work.
Sumainyo ang Katotohanan.