272 total views
Homiliya para sa Ika-Limang Linggo ng Pagkabuhay, 15 Mayo 2022, Juan 13:31-33a, 34-35
Meron bang ID ang isang alagad ni Kristo? Sa ebanghelyong binasa natin, ang sabi ni Hesus, meron. Nasa v.35:
“Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko )sa madaling salita, ito ang magsisilbing parang ID ninyo) kung nagmamahalan kayo.”
Marami tayong dalang ID sa bulsa natin; may SSS, PhilHealth, Student’s ID, Driver’s ID, sedula, etc. Ang ID ay mahalaga para makilala ang tao—sa school, sa bangko, sa immigration, atbp. Hinahanap ito lalo na kapag naaksidente ang tao, o wala siya sa sarili, o nasama sa mga biktima ng karahasan, o giyera, o kalamidad.
May ID ba ang Kristiyano? Sa ibang mga bansa binibigyan talaga ng literal na ID ang mga Katoliko—bilang registered parishioner ng isang parokya, mga tipong ID na meron pang nakasulat sa likod, “I am a Catholic, in case of emergency please call a priest.”
Hindi ito ang tinutukoy ni Kristo. Hindi rin iyung mga bagay-bagay o mga abubot na dala-dala natin o suot-suot natin para makilala tayo bilang mga Kristiyano, katulad ng kwintas na may cross pendant, rosaryo sa bulsa, eskapularyo, miraculous medal, atbp.
Sa ebanghelyo sinasabi ni Hesus na isa lang daw ang dapat magsilbing tanda na magpapakilala na tayo nga ay mga tagasunod niya: ang pagmamahalan nila sa isa’t isa.
Ito daw ang umakit sa maraming mga tao sa pagtitipon ng mga unang Kristiyano. Naobserbahan daw kasi nila na kakaiba sila. At nasasabi nila, “Iyan nga siguro ang tinatawag nilang mga Kristiyano; nagmamahalan sila, handang mag-alay ng buhay para sa isa’t isa. May malasakit sa mga dukha at nangangailangan, kumakalinga sa mga balo at ulila.”
Sa ating first reading, sinasabi ni San Lukas, ang mga sinaunang alagad daw ay nakitaan din daw ng lakas ng loob at katatagan sa gitna ng mga pasakit na pinagdaanan nila. Narinig natin ang sinabi nina San Pablo at San Bernabe sa mga tagasunod ni Kristo, “Ang pagdanas ng maraming mga pagsubok ay kailangan kung nais natin pumasok sa kaharian ng Diyos.”
Sa isang golden wedding anniversary, tinanong ko ang mag-asawa kung wala ba silang mga pagsisisi sa 50 taon nilang pagsasama. Ang bilis nilang nagsabing wala. Sabi ko, baka naman talagang napaka-compatible ninyo at napaka-ideal at romantic ng pagsasama ninyo. Mabilis din silang nagsabing “Hindi po.” Sabi ng misis, “Sa totoo lang, marami po kaming pinagdaanan, maraming pinag-awayan, maraming beses na muntik na magkahiwalay, pero sa tulong ng Diyos nalampasan namin ang lahat ng iyon. Tinuruan kami ng Panginoon na magpatawad at magpuno sa pagkukulang ng isa’t isa.” At napansin ko, ang lalaki ang napaluha sa sinabi ng misis niya.
Isa pang ibinubunga ng pag-ibig sa karakter ng mga alagad ni Kristo, ayon kay San Lukas, ay ang kanilang “pagbubukas ng pintuan ng pananampalataya” sa mga taong dati-rati’y hindi nila matanggap. Kung dati’y napaka-exclusive nila sa sinasamahan, naging mas bukas daw ang isip nila sa iba, naging mas welcoming. Wala nang iniiwasan, maging mga kababaihan, mga alipin, mga may kapansanan, mga dayuhan, mga hindi katanggap-tanggap sa lipunan.
Sa ikalawang pagbasa naman sa Book of Revelation, sa bandang dulo, isa pang katangian na ibinubunga ng pag-ibig sa mga alagad ni Kristo ang ipinahahayag: ito ay nakapagbabago.
“Pagmasdan kung paano ko binabago ang lahat,” wika ng nakaluklok sa trono na narinig at nakita ni San Juan sa kanyang pangitain. Ang pag-ibig kasi ay may kapangyarihan na magpabago. Marami na akong narinig na kuwento ng mga taong akala’y wala nang pag-asa pero nagbago at napabuti rin sa bandang huli dahil hindi ginive-up ng magulang o mahal sa buhay.
Kay San Juan, pag-ibig lamang ang tunay na tanda ng pananatili ng Diyos sa piling ng tao, nagdudulot ng aliw sa mga nagluluksa, tumatalo sa kamatayan, nagbibigay-buhay, nagbibigay-daan sa bagong paglikha.
Kapag may pag-ibig, ang “dito sa lupa” ay nagiging “para nang sa langit.” Kapag walang pag-ibig, ang dito sa lupa ay nagiging “parang sa impyerno.” Kaya pala ang pinakamalinaw na tanda na ang tao ay walang Diyos sa buhay niya ay hindi naman kawalan ng relihiyon, kundi kawalan ng pagibig sa buhay. Kaya marahil ito ang tinawag na BAGONG KAUTUSAN ni Kristo at iniwan bilang habilin sa kanyang mga alagad. Hindi konsepto kundi sarili niya ang ibinigay niya bilang pamantayan ng pagmamahal. “Magmahalan kayo, GAYA NG PAG-IBIG KO SA INYO.” Pinasimple niya. At ito lang daw ang magsisilbing tanda na nananatili pa rin siya sa piling nila, kahit wala na siya.
Ang pinakamagandang panulat ni San Pablo tungkol sa PAGIBIG ay nasa chapter 13 ng unang sulat niya sa mga Korinto. Madalas nating marinig ito sa mga kasalan, kaya akala natin tungkol lang ito sa relasyon ng mga nag-aasawa. Hindi. Tungkol ito sa diwa na nagbubuklod sa mga alagad bilang iisang katawan kay Kristo. Kailangan basahin ito mula sa chapter 12.
Doon, matapos niyang banggitin ang iba’t ibang mga kaloob ng Espiritu Santo sa mga alagad, may sinasabi pa siyang mga “nakahihigit na mga kaloob” na dapat daw pagsumikapan na matamo ng bawat alagad upang magkabuklod sila bilang bahagi ng iisang katawan: FAITH, HOPE and LOVE. Pero ang pinakadakila daw sa lahat ay PAG-IBIG. At sasabihin niya sa kasunod na kabanata kung bakit. Ito daw ang nagpapaunlad ng ating pagkatao mula sa kamusmusan. Ito daw ang unti-unting nagpapakita sa atin sa tunay na anyo ng Diyos. Malabo pa sa una, ngunit unti-unting lumilinaw.
Doon nagbibigay si San Pablo ng labing-limang mga katangian na nagiging kapansin-pansin umuunlad sa pagiging alagad at natututong magmahal. Sa verses 4-7, sabi niya,
“Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi mainggitin, hindi mayabang o mapagmataas,
hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa,
hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan, matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at handang magtiis ng lahat.”
Magandang baunin ang listahan na ito na parang checklist para sa validity ng ID natin. Meron din kasing mga invalid ID, di ba? Kung ID natin ang PAG-IBIG, itong labinlimang ito ang nagpapatunay kung valid ba o totoo ang ID ng pagka-Kristiyano natin.